Default Thumbnail

‘Bilog ang mundo’

January 26, 2024 Allan L. Encarnacion 823 views

Allan EncarnacionMARAMING tao ang puwedeng ikategorya sa sinasabing “you’re so near, yet so far.”

Makailang beses na akong nakakita at nakarinig ng reklamo mula sa mismong tao na apektado ng ganitong sistema ng pagkakaibigan.

Nangyayari rin pala ito sa pamilya. May mga tatay na magaling lang sa barkada at sobrang galante sa mga kainuman pero pinagkakakaitan ng biyaya ang mga mismong pamilya.

May kakilala nga ako na iyong iniluto niyang adobong bibi, ipapakain sa lahat ng kainuman habang iyong mga anak ay kropek ang ulam! Ibang klase di ba? Pag ganyan ang tatay mo, ihanda nyo na ang sarili nyo, tiyakin nyong magtagumpay kayo sa buhay dahil wala siyang maitutulong sa kahit anong aspeto ng inyong kapalaran.

Hindi ko alam kung saan nagmula ang ganoong karakter pero pangkaraniwan ito, lalo na sa mga nasa kapangyarihan. Gustung-gusto ng mga nasa poder ang sila’y dinudumog at sinasamba dahil doon sila humuhugot ng una: poltical adrenaline, pangalawa, hangin sa ulo at pangatlo, iyong pakiramdam na superior sila.

Iyong mga dati kong kaibigan na nasa power ganyan ang madalas na reklamo na ating naririnig sa mga taong malalapit sa kanila. Iyon tipong kayang ibigay ang langit at lupa sa isang complete stranger na nakasalubong lang nila sa pasilyo pero iyong matagal na nilang kasama, iyong nakipagpatayan para sa kanila ay binabalewala.

Hindi mo rin naman sila masisi kasi nga ang tingin nila sa iyo una, tunay ka namang kaibigan at mauunawaan mo ang lahat, or tumutulong ka naman nang libre or kaya naman, sorry for the word, “tae ka lang sa kanila!”

Ang dami ko nang nakita na sobrang tayog ang lipad at talagang grabe ang kasikatan kaya halos sambahin sila kung saan man sila mapunta. Halos hindi matigil ang ring ng telepono sa dami ng tawag, hindi maputol ang skedyul sa dami ng imbitasyon. Parang nasa alapaap sila sa sobrang kasikatan.

Pero nang minsang dumagok ang panahon, nasuspindi ang kaibigan ko at nawala sa limelight, doon siya nakaramdam ng lungkot. Maghapon siyang walang tawag, datnat-panawan ng mga okasyon pero hindi na siya kasama sa iniimbita. Ang ending, ako lang din ang nakasama niya sa kanyang kalungkutan kaya medyo natuto na iyong kaibigan ko, pihikan na sa mga nakakasama.

Noong mga panahong down siya, para siyang may sakit na nakakahawa dahil walang gustong dumikit sa kanya.

Ito iyong sinasabing “the victor has so many fathers while the loser is an orphan.” Ang daming gustong gawin kang anak at kamag-anak kapag nagwagi ka pero kapag natalo ka, isa kang ulilang lubos!

Matagal-tagal na rin naman ako sa industriya, nakita ko na ang maraming ups at maraming downs ng mga taong nakapaligid sa akin. Madalas kapag nasa upside ang aking kaibigan, dumidistansiya talaga ako dahil ayokong mapagkamalang lumalapit para sa pakinabang or benepisyong makukuha sa kanila.

Kaya nga ang pamantayan ko, mag-isa akong kakayod at gagawa ng paraan para marating ang dapat kong marating. Ako mismo, pawis ko mismo at sa paraan ko mismo ay makakamit ko ang mga pangarap ko para sa aking mag-anak at sa mga taong malalapit sa akin.

Walang makakasumbat ng mga ganitong kataga: kung hindi dahil sa akin, isa ka pa ring hampas-lupa hanggang ngayon!

Huwag kang aasa kahit kanino dahil iyong mismong mga taong inaasahan mo ang madalas ay magbabalewala sa iyo. Yan ang aral ng buhay na dapat nating tahakin kahit sino pa tayo. Hindi puwedeng ipaubaya sa iba ang iyong kapalaran dahil sabi nga, at the end of the day, buntot mo hila mo, sungay mo, suong mo.

Hintayin mo na lang ang mga araw na bumalik sila sa kalungkutan or sa mga araw na binigo na sila ng tadhana dahil ang buhay ay may tinawag na cycle of life. At kapag dumating ang mga araw na iyon, mas mabuti pa rin ang sweet revenge, hayaan mong ang iyong tagumpay ang magsalita at magpaalala ng kanilang mga ginawa sa iyo.

Tandaan lang palagi, bilog ang mundo.

[email protected]