Bilang ng oxygen tanks sa mga ospital sa Maynila sapat pa

September 14, 2021 Francis Naguit 235 views

MATAAS pa ang bilang ng mga nakareserbang tangke ng oxygen sa lahat ng Manila district hospitals kabilang na ang Manila COVID-19 Field Hospital.

Batay sa pinakahuling datos ng Manila Health Department (MHD), sa kabuuang bilang na 2,090 oxygen tanks ay nasa 374 ang kasalukuyang ginagamit, 1,305 ang reserba, at nasa 411 tangke ang wala nang laman.

Matatandaan na agad pinaghandaan ng lokal ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno ang pagbili sa mga oxygen tanks upang paghandaan ang posibleng pagtaas muli ng COVID-19 cases sa lungsod.

Ang naturang hakbang ay upang maiwasan ang kakulangan ng oxygen tanks sa oras ng kailanganin ito ng mga pasyente sa lungsod.

Samantala, simula kagabi ng Set. 13 ay pansamantalang hindi tatanggap ng mga pasyente ang Justice Jose Abad Santos General Hospital makaraang umabot na ito sa critical level capacity dahil sa bilang ng mga pasyenteng naka-admit. Mas marami na umano ang naka-admit kumpara sa bilang ng mga kama dito.

Nabatid na ang kanilang emergency room at mga holding tents ay puno na rin kaya’t kailangan umano muna nilang magpauwi ng mga pasyente upang makapag-admit silang muli.

Antabayanan na lamang sa kanilang social media ang kanilang mga susunod na anunsiyo. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE