Default Thumbnail

BGY NA-TRAP SA BAHAY DAHIL KAY EGAY

July 25, 2023 Zaida I. Delos Reyes 212 views

INILIKAS ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga residente ng isang barangay sa Puerto Princesa, Palawan dahil sa flash flood bunga ng malakas na ulang dala ng Super typhoon Egay.

Batay sa ulat ng PCG, na-trap o nakulong sa kanilang tahanan ang mga residente ng Barangay Bacungan, Puerto Princesa City, Palawan dahil sa malakas na ulan nitong Martes ng umaga.

Kabilang sa mga inilikas ang mga senior citizens, kabataan, at iba pang residente na humingi ng tulong sa kinauukulan.

Ang mga biktima ay inihatid sa pinakamalapit na evacuation center upang makatanggap ng karagdagang tulong mula sa pamahalaan.

Sa kasalukuyan, patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon sa lugar kung saan naka-antabay narin ang iba pang ahensya ng gobyerno para sa iba pang kaganapan.

Super typhoon Egay, lalo pang lumalakas, signal no. 5 itinaas sa Babuyan Island

Lalo pang nagpamalas ng lakas ang Super Typhoon Egay dahilan upang itaas sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 5 ang silangang bahagi ng Babuyan Island of Camiguin.

Ito ay kasunod na rin ng inaasahang pagla-landfall o pagdaan ng bagio sa Babuyan island- northern mainland Cagayan nitong Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga.

Sa inilabas na bulletin ng PAGASA dakong 2:00 ng hapon, inilagay sa TCWS no. 4 ang northeastern portion ng mainland Cagayan kabilang ang Santa Ana at Gonzaga at ibang parte ng Babuyan Island.

Nasa TCWS no. 3 naman ang northeastern portion ng Isabela kabilang dito ang Divilacan, Maconacon, Palanan, Santa Maria, San Pablo, Santo Tomas, Cabagan at Tumauini, ibang bahagi ng Cagayan, Apayao, Eastern portion ng Ilocos Norte kasama ang Vintar, Adams, Pagudpud, Dumalneg, Nueva Era, Carasi, Bangui, Piddig at Solsona, Northeastern portion ng Kalinga kabilang ang Rizal at Pinukpuk at Batanes.

Inilagay naman sa TCWS No. 2 ang iba pang bahagi ng Isabela, northern at central portion ng Aurora kasama ang Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao at Quirino, ibang bahagi ng Kalinga, northeastern portion gn Nueva Vizcaya kasama ang Kasibu, Quezon, Diadi, Bagabag, Ambaguio, Villaverde, Solanoat Bayombong, ibang bahagi ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Moutain province, Ifugao, northern portion ng Benguet kabilang ang Bakun, Mankayan, Buguias, Kabayan, Kibungan, Atoik , Northern portion ng La Union kabilang ang Bangar, Sudipen, Luna, Balaoan at Santol.

Nasa TCWS No. 1 ang Quezon kasama ang Pollilo Island, ilang bahagi ng Aurora, Nueva Viscaya, Benguet, La Union, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Zambales, Bulacan, Pampanga, Bataan, Marinduque, Cavite, Metro Manila, Rizal, Laguna, Batangas, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Catanduanes.

Huling namataan ang Super Typhoon Egay sa 230 kilometro ng east northeast ng Tuguegarao City, Cagayan o 240 km east ng Aparri , Cagayan.

Taglay ni Egay ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro bawat oras at pagbugsong nasa 230 kilometro bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa northwestward sa bilis na 20 kilometro bawat oras.