Init Source: Ed Abong FB page

28 ESTUDYANTE HINIMATAY SA INIT

May 1, 2024 Zaida I. Delos Reyes 99 views

AABOT sa 28 estudyante ang hinimatay matapos na mabilad sa matinding sikat ng araw habang nagpaparada sa bayan ng San Dionisio sa Iloilo nitong Miyerkules ng umaga.

Batay sa ulat ng San Dionisio Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, ang mga biktima ay lumahok din sa mass dance competition na bahagi ng pagbubukas ng isang okasyon sa nasabing bayan.

Sinabi ni Mayor Darwin Bajada na 23 sa mga biktima ang dinala sa Sara District Hospital habang ang iba ay agad namang nabigyan ng paunang lunas sa lugar.

Kaugnay nito, agad ding iniutos ng alkalde na suspendihin ang face-to-face classes ngayong Mayo 2 hanggang Mayo 3 sa bayan dahil na rin sa matinding init.

Sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tatlong linggo ng nasa ilalim ng dangerous heat index ang probinsiya ng Iloilo, kung saan umabot sa 40 degrees Celsius ang temperatura at nito lamang Abril 27 ay naranasan ang 46 degrees Celsius na heat index sa lugar.