Barbers Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

Kredibilidad, nakaraan ng nasa likod ng ‘PDEA Leaks’ kuwestyunable—Barbers

May 1, 2024 Ryan Ponce Pacpaco 88 views

KINUWESTYON ng chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ngayong Miyerkoles ang kredibilidad at nakaraan ng dating agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nasa likod umano ng “PDEA Leaks” na nag-uugnay sa mga celebrity at opisyal ng gobyerno sa iligal na droga.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang “dishonorably dismissed” na PDEA agent na si Jonathan Morales na ngayon ay nag-aanyong anti-drug crusader sa ilalim ng grupong “Anti-Drug Advocate Laban ng Pamilyang Pilipino Center for Investigative Regulatory Compliance” ay mayroong hindi magandang reputasyon noong siya ay isa pang pulis at ahente ng PDEA.

“Base sa mga ulat, si Morales ay na-dismiss sa police service bago pa sya nag-apply as PDEA agent. Sa pinirmahan nya na Personal Data Sheet sa PDEA, sinabi nya umano na wala, pero meron pala, syang kaso sa PNP bago sya nag-apply sa PDEA,” ani Barbers.

“Nuong nakalusot na sya sa PDEA, naakusahan naman siya later ng kanyang mga superiors at kasamahan mismo sa PDEA na umano’y sangkot sa pilipit na pag-aresto at P8 million extortion sa isang suspected Tsinoy drug lord na kinilala na si Mark Tan ng Binono, Manila,” dagdag pa nito.

Maging ang dating superior ni Morales na si dating PDEA chief Arturo Cacdac ay ikinadismaya umano ang hindi nito pagiging tapat nang sabihin sa imbestigasyon na siya ay inutusan na magtanim ng ebidensya at gumawa ng ebidensya para sa isang shabu laboratory sa San Fernando, Pampanga.

Sa panayam kay Cacdac noong 2013, sinabi ni Morales sa isang pagdinig na ang ebidensya ay itinanim pero sa affidavit of arrest umano nito ay sinabi niya na isa itong buy-bust operation.

Si Morales ay sinibak sa PDEA noong 2013 dahil sa “grave misconduct, dishonesty, and conduct prejudicial to the best interest of the service.”

Noong nakaraang buwan, muling lumutang si Morales upang patunayan ang isang misleading PDEA operational documents – Authority to Operate and Pre-Operation Report na may petsang Marso 11, 2012, na nag-uugnay kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.

Pero pinasinungalingan ni PDEA chief Virgilio Moro Lazo ang sinabi ni Morales at iginiit na walang rekord sa Plans and Operations Reports Management Information System o PORMIS ang naturang operasyon.

“A critical feature of PORMIS is that one cannot insert or tamper with recorded operations. All pre-operation documents are serialized and recorded in this database. This ensures the system’s integrity and negates any doubt on the data the system contains,” sabi ni Lazo.

“In an age where Artificial Intelligence can generate realistic fake videos, spurious documents and fantastic claims at having ‘insider information’, the public is cautioned to be more careful in believing such fake news,” dagdag pa nito.

AUTHOR PROFILE