DU30 ADMIN BAGSAK ANG MARKA — RISA

May 1, 2024 PS Jun M. Sarmiento 84 views

DU30Dahil sa bigong polisiya nito sa EJK

AKO po, bilang kinatawan ng Senado, habang may plataporma pa po ako, hindi po natin titigilang ihayag ang ating pagkontra sa walang saysay na ‘war on drugs’ na ‘yan. Hindi tayo hihinto hangga’t hindi managot ang puno ng lahat ng ito.”

Ito ang mariing salitang binitiwan ni Sen. Risa Hontiveros habang inilarawan niya ang Oplan Tokhang ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na isang mapang-abuso at hindi makataong pamamaraan na kampaya laban sa iligal na droga na kumitil umano sa libu-libong buhay.

Sa kanyang paglalarawan, sinabi ni Hontiveros na ang kampanyang ikinasa ni Duterte ay maliwanag na “bigo” dahil aniya ang target na arestuhin lamang nito ay ang mga hindi makalaban na mga kababayan na karamihan ay mahihirap, at ang kadalasang nilalambat aniya ay mga small time na drug dealer at drug user at walang tinugis na high-value target.

Nagpahayag si Hontiveros ng matinding pakikiramay sa mga pamilyang naulila ng karahasan ng extrajudicial killings (EJK).

“Hanggang ngayon, marami pa siguro kayong mga tanong kung bakit nangyari sa inyo ito, kung bakit tila walang katarungan sa ating bansa, at kung bakit hinayaan ito ng gobyerno. At tulad nitong pagtayo ng dambana, patuloy po naming pararangalan ang ala-ala ng bawat biktima ng karahasan at inhustisya,” ani Hontiveros sa inagurasyon ng First Memorial Site for Extra Judicial Killing Victims sa La Loma Catholic Cemetery, Caloocan City, nitong Mayo 1.

Para kay Hontiveros, ang madugong Oplan Tokhang ni Duterte ay isang karumal-dumal na gawain na sumira sa respeto sa karapatan ng bawat mamamayan para sa hustisya.

Iginiit din niya na palpak ang istratehiya ng dating pangulo dahil sa walang malalaking isda ang naipakulong nito, kundi mga kababayang walang kalaban-laban na nakitil ang buhay.

Sinisi rin ni Hontiveros ang polisiya ng dating pangulo sa kanyang Oplan Tokhang. Sinabi niya na wala itong malinaw na layunin gaya ng tulungan ang mga nalulong sa iligal na droga na makita at maramdaman ang pag-alalay ng gobyerno para makapanimula muli sa pamamagitan ng tamang rehabilitasyon sa mga ito.

Ipinahayag niya rin ang kanyang pang-unawa sa mga naulila na pamilya ng mga biktima ng EJK sapagkat alam niya ang ibig sabihin ng mawalan ng mahal sa buhay, anang senadora.

“Katulad po ng marami sa inyo, isa din po akong balo. Maagang nawala sa amin ang late husband kong si Frank, 19 years ago dahil sa heart attack. Biglaan lahat. Biglang mag-isa. Biglang solo mom. Biglang breadwinner. Siguro po marami sa inyo halos ganito din ang naramdaman pero sigurado times 100 pa dahil sa karahasang nakapalibot sa pagkamatay ng inyong mga mahal sa buhay,” ani Hontiveros.

Bigong-bigo aniya si Duterte na tugisin ang pinanggagalingan ng malalaking droga at sinabing ang mga drug lord ang tunay na kalaban at hindi ang ordinaryong mamamayan na binibiktima lamang ng mga ito.

Binira rin ni Hontiveros ang iba-ibang violations o pang-aabuso sa nakaraang administrasyon, tulad ng pag-torture sa mga suspek, ang panghuhuli sa mga suspek ng walang kaukulang papeles, walang takot na pagsasagawa ng EJK sa pamamagitan ng Oplan Tokhang, at paggamit ng pera ng gobyerno sa polisiyang ito imbes na ilagak aniya sa magandang proyekto.

Gayunman, sa pamamagitan ng pagtatayo ng dambana, sinabi ni Hontiveros na mananatili ang laban sa karahasan at walang hustisyang polisiya ng dating Pangulong Duterte para bigyan aniya ng kasagutan ang mga sugat na dulot ng EJK ng nakaraang administrasyon.

“At tulad nitong pagtayo ng dambana, patuloy po naming pararangalan ang ala-ala ng bawat biktima ng karahasan at inhustisya. Alam ko po na walang dambana ang makakaalis ng inyong mga sugat, pagdurusa, at labis na pagkalungkot. Pero sana ay maging konkretong simbolo at paalala po ito ng aming pakikiisa sa inyong laban para sa katarungan, para sa kapayapaan, para sa paghilom,” ani Hontiveros.