Pepe

Pepe marami pang gustong gawin matapos maging bida

May 1, 2024 Eugene E. Asis 103 views

PAGKATAPOS ng hit movie na “Rewind” kung saan kasama siya nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, bida na si Pepe Herrera sa pelikulang “Bantay Bahay”, isang horror-comedy film mula sa Regal Entertainment. Malaking pressure ito para sa kanya pero tiwala siya sa istilo ng direktor nitong si Joey Reyes.

“Parang iisa ang atake ni Direk Joey at ng yumaong si Direk Peque Gallaga pagdating sa horror,” ani Pepe.

Matagal na nagkasama sina Direk Joey at Direk Peque, mula pa sa klasikong “Oro, Plata, Mata” kung saan ang una ang screenplay writer at ang huli ang direktor.

Isang di malilimutang karanasan sa kanya ang paggawa ng “Bantay Bahay” na kinunan pa sa isang kilalang lumang mansyon sa Sariaya, Quezon na sinasabing totoong may nagmumulto.

Ito ang unang pagkakataon na nag-collab sila ni Direk Joey, “Looking forward ako na makatrabaho siya ulit kasi paulit-ulit kong sasabihin the best system that I’ve experienced so far na hopeful ako na maraming companies na mag-a-apply ng sistema. Pre-prod is everything. Pag matino ang pre-prod mo, smooth sailing na lahat.”

Kasama rin sa movie suna Casie Banks, Johannes Rissler, Melizza Jimenez, Karl Gabriel, at Rolando Inocencio. Showing na ang “Bantay-Bahay” sa mga sinehan simula sa May 1.

Samantala, natanong si Pepe kung meron siyang naiisip na dream role o movie.

Aniya, gusto niyang sundan ang “Expendables” movie na ginawa ng ilang malalaking action star sa Hollywood na sina Sylvester Stallone, Arnold Schwarzenneger at iba pa. Pero sa pagkakataong ito, mga komedyante sa Pilipinas anggusto niyang makasama tulad ni Empoy Marquez at iba pa.

“Riot ‘yun,” aniya. “Si Empoy hindi ko pa nakakatrabaho sa isang pelikula. I would like to do a comedy film na sama-sama kaming mga komedyante.”

Gusto rin niyang gampanan ang life story ng OPM rock icon na si Pepe na idol na idol niya mula pa noong bata pa siya.

“Matagal ko na rin kasing gustong gumawa ng biopic na tribute sa isang icon,” sabi ni Pepe kaya kung may producer na magpaplanong isapelikula ang buhay ni Pepe Smith sana siya ang mapili.

Gusto rin niyang gumawa ng mga drama-comedy na ginawa ng kanyang greatest idol, ang Comedy King na si Dolphy.

AUTHOR PROFILE