Crime

Bgy captain, utol pinagbabaril, patay

September 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 346 views

PATAY ang isang kapitan ng barangay at kapatid nito matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek nitong Linggo ng gabi sa Zamboanga Sibugay.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jul-Asmad Mawajil Anjawang, 56, kapitan ng Mamansaan Mabuhay sa Zamboang Sibugay, at kapatid nitong si Jamar Mawajil Anjawang na dating konsehal ng Barangay Mamansaan.

Batay sa ulat ng Philippine National Police, ang mga biktima ay lulan ng kanilang pickup truck nang bigla silang pagbabarilin ng dalawang armadong suspek na bumaba mula sa isang Toyota Wigo na sasakyan.

Bukod sa magkapatid, nasugatan din sa insidente ang driver ng pickup at isang militia man.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang magkapatid.

Napag-alaman na ang mga biktima ay galing sa kasalan at pauwi sana sa kanilang bahay sa Zamboanga Sibugay nang maganap ang pamamaslang.

Sa ngayon, may kinalaman sa pulitika ang anggulong sinusundan ng pulisya sa motibo ng krimen.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.