Default Thumbnail

Bebot binaril sa mukha, dedo

June 5, 2023 Melnie Ragasa-limena 252 views

NATAGPUANG patay at may tama ng baril sa mukha ang isang babae sa loob mismo ng kaniyang tahanan sa Barangay Commonwealth Hills, Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Ang biktima ay 48 taong gulang ayon sa ulat.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa Albao Compound, Bgy. Commonwealth Hills, Quezon City bandang 8:50 ng gabi, Hunyo 4, 2023.

Ayon sa pamangkin ng biktima, kauuwi niya lang mula sa trabaho nang mapansin niya ang isang lalaki na humahangos palabas sa compound ng kanilang tirahan.

Napansin umano ng testigo na nakabukas ang pintuan sa bahay ng kaniyang tiyahin.

Agad niya itong pinuntahan at nadiskubre ang duguang bangkay ng kaniyang tiyahin.

Humingi agad ng tulong ang testigo mula sa kaniyang mga kapitbahay at nireport ang insidente sa pulisya.

Ayon sa pamangkin ng biktima, nakasuot ng helmet ang hindi pa matukoy na suspek.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.