
‘Kill thy neighbor’ peg ng kapitbahay
DAHIL sa mabilis na aksyong isinagawa ng Blumentritt Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District (MPD) Station 3, naaresto sa isinagawang follow-up operation ang isang tambay na “patraydor” umanong tinarakan ng saksak ang kanyang 46-anyos na kapitbahay sa panulukan ng Pedro Guevarra at New Antipolo Streets sa Sta. Cruz, Maynila.
Ang biktima ay pawang nakatira sa naturang lugar.
Agad namang nakalawit ang 32-anyos na suspek ng mga tauhan ni P/Maj. Dave Apostol, hepe ng Blumentritt PCP.
Ayon kay P/Cpt. Dennis Turl , hepe ng MPD Homicide Section, bandang 9:15 ng gabi, habang nakikipag-inuman ang kapitbahay sa kanyang kaibigan at kamag-anak, sumulpot ang suspek at walang kaabog-abog na pinagsasaksak sa dibdib ang biktima.
Naisugod pa sa Tondo Hospital ang biktima subalit dakong 9:40 ng gabi nang ideklarang dead on arrival ni Dra. Aida Yco, attending physician.
Nahaharap naman sa kasong “murder” ang naarestong suspek.