Default Thumbnail

1 buwan na aktibidad sa ‘Araw ng Maynila’ ibinida

June 5, 2023 Edd Reyes 302 views

MAGIGING abala ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa buong araw ng Hunyo bunga ng napakaraming kaganapan na may kaugnayan sa pagdiriwang ng “Araw ng Maynila” sa ika-24 ng kasalukuyang buwan.

Ito ang inihayag ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa kanyang pagsasalita matapos ang isinagawang pagpupugay sa watawat ng Pilipinas sa unang araw ng Lunes ng buwan ng Hunyo na ginanap sa Kartilya ng Katipunan.

“Buong buwan ng Hunyo ay punong-puno po tayo ng mga kaganapan upang ipagdiwang natin ang (makulay) nating kasaysayan. 452 years na kasaysayan ng Maynila,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Kabilang sa mga binanggit ng alkalde na magaganap na kaganapan ang taunang pagbibigay ng pagkilala sa mga kawani ng Lungsod ng Maynila na naglingkod na sa lokal na pamahalaan sa loob ng napakaraming taon, ang pagbibigay pagkilala sa mga katani-tanging mga Manilenyo na nagbigay ng karangalan sa lungsod, ang pagpuputong ng korona sa magwawaging Ms. Manila at ang magaganap na socio-civic parade na gaganapin sa Moriones, Tondo.

“Bakit ko po ito binabanggit sa inyo? Dahil nais po natin na kayong lahat at ang kapwa natin mga Manilenyo ay makibahagi sa lahat ng mga magaganap dito sa ating lungsod. Ito po ay isang patunay na ang ating pagmamahal sa ating lungsod ay hindi lamang po sa salita,” sabi pa ng alkalde.

Sa pagtatapos ng kanyang pananalita, muling pinaalalahanan ng alkalde ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan na pumasok ng maaga at kung kinakailangan ay lumagpas pa sila sa oras ng pagtatrabaho para lamang matapos ang mga gawain.

“Muli isang panibagong linggo, isang panibagong buwan, isang panibagong pagkakataon, upang magbigay ng isang tapat, tuwid at maayos na panunungkulan,” pagtatapos ng alkalde.

AUTHOR PROFILE