Bea3

Bea, balik-showbiz bilang certified Viva baby

September 25, 2022 Ian F. Fariñas 323 views

NASA Viva Artists Agency, Inc. (VAA) na ang dating Kapuso actress na si Bea Binene matapos ang panandaliang pagbabakasyon sa limelight.

Pansamantalang nawala sa eksena ang dalaga nu’ng magkaroon ng Covid-19 pandemic para kumuha ng online short course sa Culinary.

Ganu’n pa man, hindi gaanong na-miss ng fans niya si Bea dahil aktibo naman ito sa kanyang social media accounts kung saan kaliwa’t kanan ang pagbabahagi niya ng kanyang brand campaigns sa Instagram.

Nu’ng nakaraang taon pa natapos ang kontrata ni Bea sa GMA-7 pero sabi nga niya sa virtual welcome presscon ng Viva, malaki ang pasasalamat at utang na loob niya sa istasyon sa pagbibigay ng pagkakataong makapagtrabaho rito matapos maging finalist sa StarStruck Kids taong 2004.

Marami-rami ring proyekto ang pinagbidahan ng dalaga sa kanyang dating home network. Kabilang na nga rito ang TV series na Hanggang Makita Kang Muli (2016) at ang drama fantasy series na Mulawin vs Ravena (2017). Naging parte rin si Bea ng Si Agimat at si Enteng Kabisote (2010) at Ilumina (2010).

Ngayong isa na siyang certified Viva baby, bukas daw si Bea sa pakikipagtrabaho sa sinumang artistang sabihin ni Boss Vic del Rosario. Ayaw daw niyang magsalita nang tapos tungkol sa pagpapa-sexy pero sa ngayon, tama na muna sa kanyang sumuporta sa naggagandahang sexy stars ng Viva at Vivamax.

Bilang nakapag-record na rin si Bea ng ilang albums dati, may posibilidad din na i-explore ng Viva ang pagiging recording artist niya.

AUTHOR PROFILE