Dombea

Bea at Dominic, nagsagaran sa US

February 14, 2022 Vinia Vivar 412 views

May pakilig ang magdyowang Bea Alonzo at Dominic Roque sa Valentine’s Day.

Naglabas ang aktres ng vlog kung saan ay ibinabahagi nilang dalawa ang kanilang love story.

Ikinuwento nila kung kailan at paano sila nagkakilala hanggang sa maging magkaibigan at maging sila na.

Pati ang first kiss nila ay ini-reveal din nila ang detalye.

Ayon sa BeaDom, ang first kiss nila ay naganap sa bahay ni Bea at aminado ng aktres na siya ang unang humalik kay Dom.

“Ganito kasi ang nangyari. Oo, kiniss ko siya. Inumaga kami, hinatid niya ako sa bahay. Ang sakit ng paa ko no’n kasi nag-heels ako buong araw. Ta’s kinuha niya ‘yung paa ko ta’s minasahe niya ‘yung paa ko,” kwento ni Bea.

“Ta’s basta nakatayo na kami no’n, tapos kiniss ko siya,” patuloy niya.

Hindi raw agad gumanti ng kiss si Dom kaya akala raw niya ay nagkamali siya ng pag-kiss sa aktor. Umatras daw siya pero kiniss na raw siya ng totoong kiss ni Dom.

“Oo, ako ‘yung unang nag-kiss sa ‘yo. Happy?” sabi ni Bea kay Dominic.

Natatawang sagot naman ng aktor, “Bakit, wala naman akong sinasabi…”

Naibahagi rin nila maraming beses silang nag-away habang nasa US last year. Ito rin kasi ‘yung time na bago pa lang ang relasyon nila at kinikilala pa rin ang ugali ng isa’t isa.

“Doon tayo nagtatantiyahan ng ugali,” sabi ni Dom

“Tapos, grabe, ‘yung sa US tour namin, ang dami naming beses nag-away. As in marami kaming hindi pagkakaintindihan,” sey ni Bea.

Sabi pa ni Dom, “Nagsasagaran tayo sa US.”

Sagot naman ni Bea, “Du’n naman kita mas minahal after.”

Sagot naman ulit ni Dom, “Ako rin naman.”

Sa tanong kung ano ang kanilang Valentine plans, sabi ni Dom ay lalabas daw sila pero secret pa.

“Ah, may secret. Uy, mag-i-expect ako niyan,” sey ni Bea.

Sa huli ay inilarawan nila ang kanilang relasyon in five words.

“I hope it’s for keeps,” sabi ni Bea.

“I hope it’s forever,” sabi naman ni Dominic.

Nang ma-realize nilang four words lang ang sinabi ni Dom, ayaw nang papalitan ‘yun ni Bea.

“Hamo na, maganda na ‘yun! Charot!” natatawang sabi ng aktres.

AUTHOR PROFILE