Default Thumbnail

Bati-bati muna!

November 27, 2023 Joey C. Papa 177 views

JoeyNAGTIGIL-PUTUKAN na ang Israel at Hamas at nagpalaya na ng kani-kanilang bihag. Baka maging permanente daw ang tigil-putukan kung papalayain lahat ang mga bihag ng magkabilang panig.

Hinihintay ng mga tagamasid sa pulitika ang posibilidad naman ng tigil-putukan naman ng Russia at Ukraine. May pag-asa kaya ito? Abangan!

Ang pananakop naman ng Tsina sa ating karagatan at mga katabi nito, ititigil na kaya ng Tsina? Sana naman at huwag nang mauwi ito sa putukan ng mga alyado ng Pilipinas.

Malaking negosyo ang giyera o digmaan ngunit pangit na negosyo. Namamatay ang mga sanggol at mga bata na walang kinalaman sa nangyayari.

Napakapangit ng isang digmaan. Kahit si Kamatayan at kanyang karit ay napapagod na raw, dahil wala na raw bang alam ang mga tao kundi mag-digmaan.? Ayon ito sa isang lumang kuwento.

Kahit mga hindi pa isinisilang na sanggol ay nadadamay at namamatay sa isang digmaan.

Bakit hindi rin gawin ito ngayon sa ating bansa, magtigil-putukan muna at bumalik sa negotiating table at PH at NDF, at iba pang mga rebeldeng grupo?

Sa palagay ko’y panahon na upang mag-usap muli. Ang daming buhay at salapi ang nasasayang sa bakbakan ng mga grupo.

Nagbigay ng amnestiya si PBBM sa maraming grupo kabilang ang CPP-NPA-NDF. Napapanahon ito dahil napakagulo na ng mundo. ‘Ika nga ay pag-usapan muna nang nakaupo ang mga problema at magtulungan sa pag-iisip sa mga solusyon sa mga umiiral na suliranin ng bansa at lipunan. Kaya nararapat na nga ang isang tigil-putukan ng PH at NDF.

Kung puro bakbakan, wala ngang kahahantungan ito kundi pagkalagas ng maraming buhay kabilang ang mga sanggol at mga bata.

Kaya bati-bati muna. Sobra nang magulo ang mundo. Kahit ang isang awiting pamasko ni Jose Mari Chan ay matagal nang humihingi ng peace o kapayapan sa buong mundo.

Hindi ko lang alam kung kilala ng US at China ang salitang peace.

Ipaalala natin sa mga bansang ito ang lagim na dinanas ng mundo sa 1st World War 2nd World War. Ayaw na natin ng World War lll! Nadurog noon sa WWII ang Pilipinas.

Kahit ayaw natin kasi sa digmaan, kapag nagkaputukan na, tiyak damay ang lahat.

Malagim ang mga narinig at nabasa kong mga kuwento ng WW II. Walang maganda.

Kung babalikan nating basahin ang mga librong pang-kasaysayan, puro kamatayan lang ang idinudulot ng digmaan. Natural kaya nga tinawag itong digmaan!

Gusto ba ng mga bata ang digmaan o giyera? Higit nilang gugustuhin ang isang matapat na tigil-putukan. ‘Yung walang trayduran.

Panahon na rin na bigyan ng malaking pansin ang Inang Kalikasan sa buong mundo. Parang kasingpantay na rin ng digmaan ang lupit na pinsalang ibinibigay ng delubyo sa mundo dahil sa krisis pangkalikasan .

Walang mga bala at bomba sa krisis na ito ngunit pagkabaon ng buhay ng mga tao at bahay sa mga gumuguhong bundok na sinalanta ng iligal na pagtotroso at pagbabasag ng mga bundok ang siya namang sumisira sa kabuhayan at buhay. Biktima rin ang mga sanggol, mga bata at kabataan.

Kadalasang ang mga mahihirap ang hinahagupit ng mga delubyong dulot ng pagkasira ng Inang Kalikasan.

Tigilan na ang paglapastangan sa Inang Kalikasan na likha ng Dakilang Maylalang.

AUTHOR PROFILE