Default Thumbnail

Pagkatapos ng 100 years, limot ka na, bata!

November 27, 2023 Allan L. Encarnacion 358 views

Allan EncarnacionSA sermon ng pari, sabi niya sa isang daan taon mula ngayon, maaring wala nang nakakikilala sa iyo, iyong bahay na tinitirahan mo, iba na rin ang nakatira, pati mga pictures sa dingding n’yo, larawan na rin ng ibang tao ang nakasabit.

Totoo rin naman iyon. Kung isang daang taon ang pinag-uusapan natin, kung 56 years old ako ngayon, magiging 156 years old na ako sa panahong iyon. Siyempre, matagal na akong patay nyan, baka nga wala nang kahit anong bakas sa aking libingan ultimong damit na ipinangburol ko at kasama kong nailibing ay lusaw na rin. At baka nga iba na rin ang nakalibing sa libingan ko!

Kung iispin mo nga naman, ano nga raw ba ang halaga ng buhay kung papanaw ka sa isang panahon subalit wala kahit isa man lang na makakaala sa iyo pag dating ng takdang panahon. Sa isang banda, hindi ko naman na pinuproblema iyong mga panahong wala nang makakakilala or makakaalala sa akin dahil lusaw na ako.

Pero ang esensiya ng paksang ito ay kung mayroon ka bang maiiwanang mabuti sa iyong mundo? Kung mayroon man, sino pa nga ba ang makakaala doon kung isang daang taon na ang lilipas?

Ang importansiya ng usaping ito ay ipinapaalala lang na tayong lahat ay darating sa huling hantungan. Hindi nga lang puwedeng sabay-sabay kasi walang maghahatid sa atin.

Kapag nakakakita nga ako ng patalastas ng diaper para sa mga seniors, biglang papasok sa isip ko na ito rin ang aking patutunguhan pag dating ng panahon. Kung kaloob ng Panginoon na abutin pa natin ang senior age.

Sabi ko sa pamilya ko, kapag dumating ang panahong alagain na ako, baka tumakas na lang ako at bahala na kung saan patungo para lang hindi maging pabigat sa kanila. Hindi ko kasi matatanggap na ipagtabuyan na ako or dalhin na sa home for the aged para ipaalaga.

Bagama’t alam ko naman na hindi ito mangyayari dahil mabubuting lahi naman ang aking nai-produce, mahirap pa rin isiping iyong ikaw ang “strongest man” sa pamilya subalit igugupo ka ng panahon, uupusin ka ng iyong edad.

Dito papasok iyong paraan ng ating pagbuo ng pamilya. Importanteng makapagtanim ka ng matibay na moog upang sa panahong hindi mo na sila kakayaning alalayan, mayroon silang pundasyong masasandalan. Magkakaiba tayo ng kapalaran, marami sa atin ang nabigo, marami din naman sa atin ang nagtagumpay.

Ang problema lang natin, ang standard na sukatan ng tagumpay para sa iba ay “kayamanan.” Sa tingin ko naman ay hindi dapat maging ganito. Maraming pamilya ang hindi naman sumapit sa karangyaan subalit nakapagpatapos ng pag-aaral ng mga anak kahit iginapang sa hirap ang matrikula. Kayamana na iyon na matatawag.

Marami dyan na hindi naman umabot sa estado ng pagiging middle class pero tagumpay na matatawag na buo ang kanilang pamilya, mabubuti ang mga anak, palaging malinis sa tahanan at masinop sa mga kagamitan. Tagumpay din itong matatawag na hindi nasukat ng kayamanan.

Iyong makatapos ng pag-aaral ang iyong mga anak, iyong hindi sila sakit ng lipunan, iyong masasabing produktibo silang mga mamamayan ng bansa, “kayaman” din itong matatawag.

Ganito iyong pamanang walang kamatayan, magpapasalin-salin ng mga mabubuting lahi na kahit lumipas pa ang isang daan taon ay magpapatuloy na uusbong dahil naipasa-pasa sa mga sumunod na na lahi mo. Hindi man ito maalalang nagmula sa iyo, ang importante ay may bakas kang ginawa na dinaanan ng mga nagsisunod sa iyo.

Happy Tuesday folks!

[email protected]