Default Thumbnail

TUPAD ipinamahagi sa pamilya ng OFWs

November 27, 2023 Marlon Purification 159 views

Marlon PurificationLIBU-LIBONG pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs) ang muli na namang tumanggap ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displace Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ito sa pakikipag-ugnayan ng OFW Partylist sa pangunguna ni Rep. Marissa del Mar Magsino at ni Senator Cynthia Villar mismo.

Nabatid na sa National Capital Region (NCR) ay umabot sa 441 benepisaryo ang nabiyayaan ng TUPAD mula sa iba’t ibang bayan at lungsod.

Masinsinan din ang pakikipag-ugnayan ng OFW Partylist para ipamahagi ang iba pang TUPAD program sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sinabi ni Magsino na ang pamamahagi nila ng TUPAD — sa tulong ng DOLE ay hindi lamang para sa OFWs kundi maging sa kanilang pamilya at iba pang non-OFWs na nangangailangan ng tulong mula sa pambansang pamahalaan.

Maliit na halaga lamang aniya ang ipinamimigay sa TUPAD, ngunit malaking bagay na ito para sa mga nangangailangang kababayan upang maitawid ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Sinisikap ng OFW Partylist na ibaba sa mga mahihirap na kababayan ang programang pangkabuhayan ng mga national government.

Dahil dito, labis ang pasasalaman ni Cong. Marissa del Mar sa mga opisyales ng pamahalaan na hindi nagdamot na tumulong sa mga ngangailangan nating kababayan.

“Lubos tayong nagpapasalamat kay Senator Cynthia Villar, sa DOLE NCR, sa Tanggapan ni Mayor Ruffy Biazon ng Muntinlupa, Ayala Malls Manila Bay at sa mga OFW Party List Leaders na sina Doc Ernita Santos, Eagles Governor Jenzen Turica, at Baby Ruth Magsino para sa kanilang suporta na nagbigay-daan sa tagumpay ng proyektong ito,” ani Magsino.

“Sa tulong at suporta ng ating mga opisyal, mga lider, mga myembro, at mga OFW families sa iba’t ibang lungsod dito sa NCR, patuloy nating mapapalawak ang ating serbisyo at paglilingkod sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Magsino na ang OFW Partylist ay hindi titigil sa pagbibigay serbisyo sa mga kababayang OFWs, gayundin sa iba pang mahihirap nating kababayan.

“Hindi man ganoon kalaki ang ating pondo, ngunit patuloy tayong nakikipag-coordinate sa iba pang government agencies upang maipaabot nang kaunti ang kailangang tulong ng mga mahihirap nating kababayan,” wika pa ni Magsino.

Ang OFW Partylist ang nag-iisang boses ng mga kababayang OFWs sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.