Turla

BATA DEDO SA BUGBOG NG AMA!

September 12, 2023 Jonjon Reyes 464 views

7-anyos na babae nasawi dahil sa kulang na sukli

NAGSASAGAWA ngayon ng masusing imbestigasyon ang Homicide Section ng Manila Police District (MPD) kaugnay sa pagkamatay ng isang 7-anyos na batang babae na umano’y binugbog ng sariling ama sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Homicide Section ng MPD, sinabi ng ina ng biktima sa kanyang salaysay kay PCMS Joseph Kabigting, ang may hawak ng kaso, na galing ito sa pamimili ng gamit sa eskwela ng kanyang anak nang mapansin na inaapoy ito ng lagnat.

Sinabi rin umano sa kanya na masakit ang leeg at kanyang tagiliran kaya agad niyang ipinahilot ngunit dahil walang pagbabago ay nagpasaklolo na ito sa lola ng bata para dalhin ito sa ospital, may ilang araw na ang nakalilipas.

Ayon pa sa ina ng biktima na si Karen, walang pag-amin ang kanyang anak na sinaktan siya ng sariling ama nito, ngunit base sa iniwang sulat ng suspek, na patuloy pang pinaghahanap, humingi ito ng tawad at inamin na nasaktan niya ang anak at kung ano ang magiging desisyon ng ginang ay kanyang haharapin.

Batay naman sa hiwalay na panayam kay Aling Margarita, lola ng biktima, inamin din umano ng bata sa kanya na binugbog siya ng ama dahil lamang sa kulang na sukli.

“Inutusan daw siya ng papa niya na bumili sa tindahan at dala niya ay 37 pesos at ang sukli’y pinakialaman niya at ipinambili ng tinapay na ube. Ayun, binugbog, tinadyakan, sinapok sa ulo at batok,” pahayag ng lola ng biktima nang tanungin umano niya ang apo bakit siya sinaktan ng ama.

Sa pahayag din umano ng mga mangagamot sa Tondo General Hospital, inamin din ng bata na sinakal siya at pinagsusuntok ng ama.

“Tinanong din ng doktor ‘yung bata kung bakit hindi nagsumbong sa nanay, ang sabi niya daw kaya hindi nagsumbong sa nanay kasi sasabihin lang sa kanya na sinungaling siya,” ayon pa sa kuwento ng lola.

Sa ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya ang ama ng bata na si alyas Carlo, 32-anyos, upang harapin at panagutin sa umano’y pambubugbog sa bata.

Sa kabila nito, hinihintay pa ang autopsy report ng biktima upang malaman ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng bata.

Ayon sa ina, itutuloy niya ang kaso sakaling lumabas sa autopsy na pambubugbog ng asawa ang dahilan ng agarang pagkamatay ng kanilang kaawa-awang 7-taong-gulang na anak.

AUTHOR PROFILE