Default Thumbnail

Barangay hall natupok sa Sampaloc

October 5, 2022 Jonjon Reyes 255 views

ISANG barangay hall ang tinupok ng apoy ayon sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP), Miyerkules ng umaga sa Sampaloc, Maynila.

Ayon sa BFP, bandang 8:21 ng umaga nang sumiklab sunog sa loob ng barangay hall sa Bgy. 412 Zone 42 sa Legarda Street sa Sampaloc.

Nabatid kay Filomerna Cingco, punong barangay, bagama’t walang nasaktan sa sunog, ang kanilang mga gamit tulad ng computers, CCTV (closed-circuit televison) monitor system, laptops at mga papeles ay nasira dahil na rin sa tubig na ginamit na pamatay sunog ng mga rumespondeng bumbero at fire volunteers.

Nagsimula umano ang sunog sa mismong opisina ni Cingco na umabot lamang sa unang alarma at idineklarang fire out alas 8:33 a.m. dahil maagap na nakaresponde ang mga bumbero.

Aniya, siniguro naman nila na walang naiwang gamit na nakasaksak bago mangyari ang sunog sa kanilang barangay hall.

Gayunman, wala pang eksaktong ulat ang Arson Division sa detalye kung ano ang naging dahilan ng sunog.

Binubusisi rin ng BFP na maaaring faulty wiring ang isa sa anggulo na pinagmulan ng sunog.

AUTHOR PROFILE