Estomo

Mga nanloob sa isang supermarket, timbog sa Taguig

October 5, 2022 Edd Reyes 289 views

PINURI ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo ang pamunuan ng Southern Police District (SPD) sa mabilis na pagkakadakip sa tatlo sa apat na miyembro ng grupong kriminal na nanloob sa isang supermarket nito lamang Lunes ng madaling araw sa Taguig City.

Ayon kay Estomo, ang isang nadakip ay miyembro umano ng kilabot na “Loloy drug and gun-for-hire group” at dalawa nitong kasabwat, habang tinutugis pa ang nakatakas na may alias “Anthony”.

Sa ulat ni SPD Acting Director P/Col. Kirby John Kraft, nagawang pasukin ng mga suspek ang isang sangay ng Alfamart sa Taguig City dakong alas-1:26 ng madaling araw at nakapagtangay ng salapi at groserya na nagkakahalaga ng P50,137.75.

Makaraang makakalap ng impormasyon, bumuo ng grupong kinabibilangan ng mga operatiba ng Station Intelligence Division (SID) at Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ang Taguig Police upang isagawa ang pagtugis sa mga kawatan.

Dakong alas-8:10 ng gabi ng Martes, Oktubre 4, 2022, natunton ng pulisya ang mga suspek sa MLQ Purok 1, Bgy. New Lower Bicutan na nagresulta sa kanilang pagkakadakip at pagkakakumpiska sa kalibre .38 revolver na may dalawang bala sa isang suspek, isang motorsiklo at tatlong cellular phone.

Tiniyak ni Estomo na hindi titigil ang pulisya sa pagtugis sa nalalabi pang suspek, pati na sa iba pang mga grupong kriminal na patuloy na naghahasik ng kasamaan sa Kamaynilaan upang matiyak na mapapanatili ang kaayusan, katahimikan at kapayapaan sa buong rehiyon.

AUTHOR PROFILE