Default Thumbnail

‘Balik-bata’ mula sa siyensiya

January 16, 2023 Allan L. Encarnacion 293 views

Allan EncarnacionSABI ko sa misis ko, baka mag-avail ako ng kakadiskubre pa lang na gamot para sa reverse aging sa Boston, USA.

Sa daga muna nila sinubukan ang gamot. Iyong daga na medyo nakakalbo na dahil sa katandaan, tinubuan ng buhok at nagkaroon ng development ang mga balat niya na dating kulubot.

May bulag na daga na nagbalik ang paningin, bumilog ang mga muscle tissue at mas naging masigla.

Noong mga 80s pa pala ay may mga ginagawa nang pag-aaral sa pagpapanumbalik ng kabataan ng isang tao sa Michigan, USA. Maraming daga na ang nagamit sa mga experimentation dahil mas madalas daw, ang mga gamot na gumagana sa mga daga ay gumagana rin sa mga tao.

Iba pa iyong nausong stem cell na sinasabing nagmula sa placenta ng sanggol.

Sabi ko sa wife ko, gusto kong magpa-inject kapag available na sa market ang “reversed aging medicine” para makabalik ang itsura ko noong grade 3 pa lang ako. Matindi ang suggestion niya, isagad ko na raw hanggang sa pagkasanggol!

Ang problema lang, siya ang mag-aalaga sa akin, mula pagka-baby hanggang makabalik sa kasalukuyan kong edad na 55. Ang tanong lang, ilang taon naman kaya siya pag dumating ang panahong iyon?

Noong mga early 2000, may isinagawa namang cloning experiment sa isang baka sa New Zealand at sa Amerika. Nagtagumpay naman kasi iyong isang cow cell ay nagawa nilang dalawa. Ang misyon ng pagpaparami ng mga baka ay para makapag-produce ng mas maraming gatas at mapabilis naman ang paggawa ng mga keso.

May mga nagtatangka nang gawin ang human cloning pero wala pang naglalabas ng kongkretong resulta. Imagine, may kinaiisan kang isang tao, tapos dodoblehin pa sila, e di dalawa na kaiinisan mo!

Bago pa ang mga ginagawang pag-aaral sa reversed aging at human cloning, may lumabas nang iba’t ibang paraan ng pagpapabata. Una ay ang pagpapatangos ng ilong, pagsasaayos ng mata, pagbabanat ng mukha, magpapatanim ng mga buhok, pagpapalit ng ari, pagtatato ng kilay, pagpapalaki ng ari ng lalaki, pagpapasikip ng ari ng babae, pagpapalaki ng boobs ng babae, pagsasalin ng male hormones para magka-muscle at magkalabalahibo sa dibdib ang babae, pagpapatanggal ng adams apple at kung anu-ano pang paraan ng retoke.

Ang totoo, biro ko lang sa misis ko ang pag-avail ng reverse aging meds dahil mahirap din kaya na habang pabata ka nang pabata, patanda naman ng patanda ang mga taong nasa paligid mo. Ang hirap din kayang humanap ng kababata mo kung bigla kang ibabalik sa toddler age sa kasalukuyang panahon.

Kung puwedeng magdagdag ng binti para maging long legged ako at tumangkad, baka iyon na lang ang gusto kong ipagawa para hindi na ako mahirapang maglinis ng matataas na bintana. Pero kidding aside, sabi nila, kung ano ka ngayon, disenyo yan ng Panginoon na bagay sa iyo kaya hindi kailangan ng mga pagbabagong galing sa siyensa.

Contentment lang naman ang susi talaga para maging masaya ka kung ano ang mayroon ka. Huwag mong hahanapin ang wala sa iyo para hindi ka malungkot.

At the end of the day, nag-iisang ikaw lang yan, huwag mo nang doblehin, huwag mo nang pilitin bumalik kung saan ka nagmula. Sabi nga, ang tubig na dumadaloy sa ilog ay isang beses lang dadaan sa iyong harapan, hindi sila umuulit, hindi sila bumabalik.

Iba nga ang maging bata pero mas iba rin ang maging matanda!

[email protected]