Dela Vega

Bakuna sa flu karagdagang proteksyon laban sa COVID

September 29, 2021 Hector Lawas 437 views

AYON sa pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute (UPPI), isa ang flu o ‘trangkaso’ sa karaniwang sakit na nakukuha ng mga 60 taong gulang pataas.

Dahil sa COVID-19, mas mataas ngayon ang panganib na makuha ng ating nakatatanda ang flu kasabay ng nasabing virus dahil sa matinding komplikasyong dulot nito na maaaring mauwi sa kamatayan.

“Habang tayo’y nagkaka-edad, tumatanda din ang ating immune system at ating baga. Kailangan nating mag-ingat dahil kasabay ng pagtanda ay paghina ng resistensya, kaya mas mabilis na nahahawaan ng impeksyon.

Kaya naman importante na mabakunahan ang mga nakatatanda laban sa flu o trangkaso para maiwasan ang mga komplikasyon o mga malulubhang karamdaman gaya ng pneumonia, heart attack, at stroke.

At syempre, pinaka importante sa ngayon ay ang pagbibigay nito ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19. Palagi nating sinasabi na ang COVID ay hindi lamang parang flu pero ang sintomas ng flu at COVID ay magkatulad”, ani Dr. Shelley dela Vega sa isang webinar na inilunsad ng Philippine Foundation for Vaccination noong nakaraang buwan.

Si Dr. dela Vega ay Direktor ng Institute of Aging ng UP Manila.

Sa kabila ng panganib na pwedeng maidulot ng pagkakaroon ng flu, marami pa rin sa ang hindi alam na may bakuna para maprotektahan sila laban dito.

Lumabas sa isang pag-aaral na tatlo lamang sa 10 nakatatanda ang may kaalaman tungkol sa flu vaccine. Pahayag ni Dr. dela Vega, isang rason kung bakit kakaunti lamang sa mga nakatatanda ang nagpapabakuna, hindi lamang sa flu kundi sa kabuuan ay dahil sa tinatawag na ‘ageism’.

“Ageism yung paniniwala na.. ‘Ay, matanda na ako. Hindi ko na kailangan ng bakuna. Ibigay na lang sa mas nakababata ang bakuna.’ Kailangan natin mabago ang ganitong paniniwala dahil ito ay pagtanggal ng halaga sa buhay ng isang nakatatanda. Iba pang rason kung bakit kaunti sa ating seniors ang nagpapabakuna ay dahil sa misconceptions ng side effects ng bakuna, kakulangan ng ating mga doktor na i-rekomenda ito sa kanilang mga pasyente, at pagiging hindi easily accessible ng mga bakuna, ” ani Dr. dela Vega.

Nagsimula ang Department of Health sa kanilang libreng flu vaccine para sa mga indigent senior citizens noong 2011. Pinalago ang sakop nito upang isama ang lahat ng nakatatanda sa bansa sa ilalim ng National Policy on Health and Wellness Program for Senior Citizens o HWPSC.

Patuloy pa rin ang programang ito hanggang ngayon gayunpaman ayon kay Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes, sa kabila ng libreng flu vaccine para sa lahat ng nakatatanda, 10% lamang sa senior citizens ang nabakunahan.

“Ang mababang numero ng mga nagpapabakuna laban sa flu ay dulot pa rin ng vaccine hesitancy at kakulangan sa kaalaman. Kaya naman patuloy ang aming mga aktibidad para mapabilis ang rollout ng bakuna sa iba’t-ibang baranggay sa buong bansa kasabay ng mga programa para lubusang ipaintindi sa ating seniors na kailangan nila ang bakuna, ” ani Ordanes.

Dahil sa COVID-19, naglunsad si Ordanes ng door-to-door flu vaccination para sa mga nakatatanda upang hindi na nila kailangang lumabas ng kanilang mga tahanan.

Ani Ordanes, bagama’t malayo pa ang kanilang lalakbayin para makatanggap ng bakuna ang lahat ng nakatatanda, natutuwa siyang kahit papaano ay nagkakaroon ng progreso ang naturang kampanya.

“Hindi kami titigil hanggang hindi nababakunahan lahat ng ating senior citizens laban sa flu. Ang layunin namin dito ay walang iwanan. No senior citizens will get left behind,” ani Ordanes.

Maaaring magpabakuna ang senior citizens sa mga health centers sa kani-kanilang lugar.

AUTHOR PROFILE