Away dilaw vs pink sa Leni camp tumitindi

April 2, 2022 Lee Ann P. Ducusin 317 views

IBINUKING ng isang insider na tumitindi ang awayan sa pagitan ng grupo ng “dilaw” at “pink” sa kampo ni Leni Robredo na tumutulong sa kanyang mangampanya dahil sa hindi pagkakaunawaan sa trabaho.

Ipinaliwanag ng source na ang grupong dilaw ay ‘yung mga tao na tumulong at naglingkod kay dating Pangulong Noynoy Aquino habang ang grupong pink naman ay ‘yung mga bagong pasok at grupo na galing sa kampo ni Robredo.

“Ang problema, sa simula pa lamang ayaw na papormahin ng mga pink ang grupo ng dilaw dahil nga sira na raw ang mga ito at baka lalo lamang makasama sa kanilang kampanya. Dito nagsimula ang kanilang iringan,” ayon sa insider.

Iginigiit naman ng grupo ng dilaw na sila ang mas bihasa at mas malalim ang karanasan dahil sila ang nagpanalo noon kay Pangulong Aquino.

“Pero ang problema sila rin ang sinisisi na nagpatalo sa Ocho Diretso,” anang source patungkol sa walong kandidato nila noong 2019 elections na lahat ay ibinasura ng publiko.

Wala raw magawa si Robredo kaya hinahayaan na lamang niya ang awayan ng dalawang nag-iiringang grupo.

Ito raw ang dahilan kaya kung minsan ay iba-iba ang mensahe at halatang hindi organisado ang galaw ng kampo ni Robredo.

“Medyo malalim na kasi ang awayan nila. Walang gustong magpatalo, feeling nila parehas silang magaling,” dagdag pa ng insider.

Giit pa ng source, mas nakalalamang pa rin ang grupo ng dilaw dahil ang mismong lider nila na si Bam Aquino, na campaign manager ni Robredo, ay kilalang nasa panig ng grupong dilawan.

“Kung titingnan mo, dilaw pa rin talaga ang kulay. Nagpapanggap lamang sila na pink pero karamihan pa rin ng mga tao sa likod nito ay yung mga dilawan,” aniya.

AUTHOR PROFILE