Vilma

Ate Vi at Boyet, nanghinayang sa hiwalayang KathNiel

December 8, 2023 Ian F. Fariñas 271 views

KathnielBILANG isa sa pinakamatagal at pinakamatatag na OG loveteams sa bansa, hiningan ng press ng reaksyon sina Vilma Santos at Christopher de Leon tungkol sa maingay na pinag-uusapang hiwalayan ng reel/real-life couple na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Ayon sa Star for All Seasons, “Well, if it’s not meant to be, hindi naman mangyayari, eh, you know? Sayang siyempre, maraming fans dahil isa sa magdadala talaga loveteam muna, you know. Ang usapan naman dito, longevity, eh. Pwede kayong sumikat five years, six years, pero hanggang kailan? I think baka what happened sa kanila, siyempre, ang daming nalungkot because they were famous, ah, loveteam. Secondly, I think they were together for 11 years. Eleven years is no joke. Plus, may plus factor du’n ‘yung edad nila. ‘Eto ‘yung edad na agresibo, eh, you know. Na to the point na you don’t know, pagka agresibo ka sa edad nila, in a way, we don’t know, it can affect ‘yung mga movies na gagawin because of magkaeksena, kasi may kasamang emosyon at puso.”

Sabi naman ni Boyet (Christopher’s pet name), screen partner ni Ate Vi sa loob ng apat ng dekada, “Tayo, wala naman tayong…”

At dito ay pinutol siya ni Ate Vi na nagsabing, “Siguro ang swerte lang namin ni Yetbo (term of endearment ni Ate Vi kay Boyet), hindi naman natin plinano, eh. Napasok namin ni Yet ‘yung tinatawag na professionalism. Like ‘wag nating laruin ‘yung movie. Alam mo ‘yung ibig kong sabihin? ‘Wag nating paglaruan na in love na in love tayo, hindi, eh. Let’s do our job, mag-asawa tayo, mag-asawa tayo (sa movie). We respect each other, talent, parang naglaban nga kami more on sa talent, eh. Inalagaan namin ang isa’t isa. Not the love, love na nangyayari sa… of course, we’re sad. Famous ‘yung dalawa, we’re sad. Let’s just hope for the best for the both of them. Either with their personal lives or career-wise. So that’s the only thing we can wish for the two of them.”

Anyway, balik-tambalan nga ang Vi-Boyet sa Metro Manila Film Festival (MMFF) entry at initial offering ng JG Productions na When I Met You in Tokyo.

Kwento nila, sobrang passionate at invested sila sa proyekto dahil isa ito sa mga paraan para makatulong sa neophyte producers nilang sina Weng Jamaji at Rajan Gidwani, gayundin sa Philippine cinema na unti-unti pa lang bumabangon sa epekto ng pandemya at pagsulpot ng iba’t ibang streaming platforms.

Kwento nga ng supervising producer nilang si Redgie Acuña-Magno, hands-on sina Ate Vi at Boyet sa napakaraming aspeto ng When I Met You in Tokyo at kitang-kita ang dedikasyon ng dalawang superstars pati na sa promo.

Katunayan, credited si Boyet bilang isa sa creative directors ng pelikula habang si Ate Vi naman ay may mga input para mas lalo pang mapaganda ang bawat eksena na karamihan ay kinunan sa Japan.

PokwangSamantala, nai-share rin ni Ate Vi ang tungkol sa pag-iimbita sa kanya nina Eugene Domingo at Pokwang na panoorin ang sariling MMFF entry nila na Becky and Badette.

“Sana naman Ate Vi maka-attend ka ng premiere night namin. Promise, papanoorin din namin ang When I Met You in Tokyo. Kasi sa totoo lang, even before may The Lucky Ones sila, mga Vilmanians sila, kasi kayo talaga ang peg namin dito. Please find time to join us sa premiere night and we promise you we will watch also When I Met You in Tokyo. Kasi, ginaya nga kami ni Boyet sa Relasyon, ‘di ba?” natatawang kwento ni Ate Vi sa merienda cena interview kasama ang ilang entertainment editors.

Nang tanungin kung alin sa sampung MMFF entries ang bet nilang panoorin, tumanggi nang magbanggit pa ng titulo ang Vi-Boyet team.

“Ayaw ko nang sabihin kasi sampu ‘yan, eh. ‘Wag na baka may masaktan pa. Kasi sampu ‘yan, eh, ‘di ba?” rason ng Star for All Seasons.

Pakengkoy naman ni Boyet, “Ako, tatlo lang, eh.”

Tanong ni Ate Vi, “Manonood ka ng tatlo, Yet?”

“Oo, When I Met You in Tokyo,” ani Boyet.

“Tapos?” tanong ulit ni Ate Vi.

“’Yun din,” makulit na sagot naman ni Boyet kaya tawanan ang lahat.

“’Yung pangatlo, bahala na,” dagdag ng Drama King.

Anyway, kasama ng Vi-Boyet tandem sa When I Met You in Tokyo ang Darren Espanto-Cassy Legaspi loveteam, pati na sina Gabby Eigenmann, Kakai Bautista at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE