Aso Source: Screen grab from PETA video on YouTube

Aso nakulong ng ilang linggo sa pagitan ng pader ng gusali sa Cavite, nasagip ng PETA

April 17, 2024 People's Tonight 48 views
Aso1
Source: Screen grab from PETA video on YouTube

ISANG bidyo ang inilabas ng PETA na kumakalat na sa internasyonal na balita kung saan makikita ang nakamamanghang pagsagip kay Wally, ang asong inabandona ng kaniyang amo noong sila ay lumipat ng bahay mula sa Dasmarinas, Cavite.

Makikita na na-trap ang aso sa loob ng pader habang ginagawa ang bahay at hinayaan na lamang na magdusa ang aso ng halos isang buwan, kung saan nakakainom lamang ito ng tubig mula sa butas ng isang imburnal sa loob ng pader na kaniyang kinalalagyan.

Ang paghihirap ni Wally ay natapos noong makarinig ang mga bagong nangungupahan ng tahol na nagmumula sa pader, at agad nila itong pinaalam sa opisyal ng barangay.

Agad kumilos ang mga tagapamahala ng Barangay Luzviminda 1, na pinamumunuan ni Kapitan Jeffrey Galit, at sila ay nakipag-ugnayan sa PETA upang humingi ng tulong.

Sa pagtutulungan ng barangay at ng PETA, tinibag ang pader at doon nakuha si Wally, na labis nang namayat at puno ng sugat sa katawan dahil sa mga tangka nitong makatakas mula sa pagkakakulong.

Dinala agad ng PETA si Wally sa beterinaryo para matingnan ang kanyang kalagayan at kasalukuyang hinahanapan ng foster home sa programa ng PETA na Ampon Alaga, na nakatuon sa paglutas sa overpopulation ng mga aso at pusa. Ngayon, si Wally ay nadagdagan na ng timbang at naghihintay nalang na ma-ampon ng bagong pamilya na hindi na siya muling aabandonahin.

“Ang aso na ito ay hindi lamang nakaranas ng lungkot at pagkabigla sa nangyaring pag-abandona sa kanya ng dati niyang pamilya, ilang linggo din itong tumatahol upang humingi ng saklolo at nagpupumilit makatakas mula sa pagkakakulong,” ayon kay PETA Senior Vice President Jason Baker. “Hinihikayat ng PETA ang lahat na tulungan ang mga hayop na nangangailangan—o humingi ng saklolo sa may kakayahan tumulong.”

Pinapaalala naman ng PETA na ang mga alagang aso at pusa ay parte ng pamilya at hinihimok ang lahat na maging handa sa habambuhay na responsibilidad bago mag ampon ng aso o pusa.

Nakita natin sa kwento ni Wally ang kalungkutan mula sa pag abandona ng pamilya at marami sa mga abandonadong hayop ang nakararanas ng aksidente sa mga kalsada, pagdurusa sa mga sakit, o pag-abuso mula sa mga tao. Ang pagpapa-kapon sa mga alagang hayop ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang labis na populasyon ng mga aso at pusa.

Ang programa ng PETA na Ampon Alaga ay tumutulong na magbigay ng serbisyong libreng kapon sa mga alagang hayop sa mga komunidad na walang kakayahan magbayad sa mga pribadong beterinaryo.

Ang programa ay nag-uudyok din sa mga tao na piliin ang pag-ampon ng mga hayop na walang lahi o mga aspin o puspin, at mga nailigtas at nangangailangan katulad ni Wally, na naghahanap pa ng mapagmahal na bagong pamilya. Sinumang interesado na tumulong sa grupo ay maaaring tingnan ang social media page upang magbigay ng donasyon, mag-boluntaryo, mag-foster, o mag-ampon.

Ang PETA—na nagsasabi na “ang mga hayop ay hindi natin pag-aari upang abusuhin sa anumang paraan”—at tumututol sa paniniwalang mas higit ang tao sa mga hayop. Para sa iba pang impormasyon, bisitahin ang PETAAsia.com o sundan ang Ampon Alaga sa Facebook o Instagram. Ang mga larawan ni Wally ay makikita dito.

AUTHOR PROFILE