Default Thumbnail

Armas na ginamit sa Ateneo shooting, rehistrado sa isang sundalo

July 26, 2022 Melnie Ragasa-limena 384 views

INIHAYAG ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Remus Medina na ang nakumpiskang baril sa doktor na ginamit nito sa pamamaril sa Ateneo de Manila University (AdMU) sa Quezon City noong Linggo, ay pag-aari umano ng isang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Medina, ang ginamit na cal. .45 pistol baril ng suspek na si Dr. Chao-Tiao ay pag-aari ng isang 1st Lt. “Jeremie Aquino” na umanoy executive officer ng 12th Mechanized Company 1st Mechanized Battalion na naka-base sa Sultan Kudarat.

“On record ito ay nakapangalan kay 1st Lt. Jeremie Aquino executive officer ng 12 Mechanized Company 1st Mechanized Battalion based in Sultan Kudarat… According to him nawala po ang baril niya sometime in November 2019 pa so we are inviting him to shed light dito sa pagkawala ng baril nya,” ani Medina.

Aniya, ang nasabing armas umano ng sundalo na may silencer ang bitbit ng doktor nang pagbabarilin ang grupo nina dating Lamitan Mayor Rose Furigay na dadalo sana ng graduation ceremony ng anak na si Hannah Rose, 25, sa Ateneo Law School.

“Wala pa siyang nai-isubmit na papel so iniimbitahan natin siya (Aquino)… in fact ang (Criminal Investigation and Detection Group) CIDG ang naghahanap sa kanya,” pahayag pa ni Medina.

Pero, sinabi naman ng doktor na nabili niya sa “black market” ang naturang baril na ginamit nito sa pamamaril sa grupo ni Furigay sa AdMU.

Sinabi ng heneral na ang suspek na si Dr. Chao-Tiao Yumol, 38, na kasalukuyang nakapiit sa Camp Karingal, ay kanila nang kinasuhan nitong Lunes ng gabi sa Quezon City Prosecutor’s Office.

“For the record nakapagsampa na tayo ng criminal case at na -inquest na rin sya and mako-consider natin na case closed na ito. Ang mga na file natin na kaso ay tatlong murder cases, isang frustrated murder, anti-carnapping o RA10883, malicious mischief at RA 10591 sa violation niya ng law on firearms and ammunition… ‘yung isang nasugatan si Ma’am Mangubat ay nag-waiver siya na hindi na sya magma-file ng case so si Hanna [Furigay] na lang ang nag-file ng frustrated murder sa kanya,” dagdag pa ng QCPD chief.

Magugunitang nakalusot sa loob ng unibersidad si Dr. Yumol saka humabilo sa mga tao at nang makita ang target ay pinagbabaril nito at napatay ang dating Lamitan Mayor, habang nadamay at nasawi rin ang kanyang executive assistant na si Victor George Capistrano, at ang rumespondeng security guard ng AdMU na si Jeneven Bandiala.

Sugatan naman ang anak ni Furigay na si Hannah Rose, 25, na ga-graduate sana sa Law School nang araw na maganap ang krimen. Nasa maayos na itong kalagayan ngayon.

Nabatid na si Dr. Yumol ay isa umanong “pugante” dahil nag-jump bail ito at nagtatago na sa batas noon pang January 2021.