Default Thumbnail

Araw ng Magsasaka aarangkada sa Talavera

May 7, 2023 Steve A. Gosuico 289 views

TALAVERA, Nueva Ecija — Ang primera-klaseng munisipalidad na ito na naglalayong makamit ang pagiging lungsod ngayong taon ay magsisimula ng isang linggong pagdiriwang, ng kanilang “Linggo ng Magsasaka 2023” bilang parangal sa mga magsasakang Novo Ecijano, na nagsumikap na mabigyan ng isang masaganang ani ang bayan ngayong dry season cropping.

Sinabi ni dating pangulo ng Liga ng mga Barangay na ngayon ay Punong Bayan Nerito “JR” Santos Jr. na sila ay desididong isulong ang panukala na maging sixth component city ng Nueva Ecija ang Talavera sa tulong ni first district Rep. Michaela Angela “Miki” Suansing, na naghain na ng House Bill No. 215 na naghahangad na gawing isang lungsod ang bayang ito.

“Tumutulong po si Congresswoman Suansing para sa cityhood natin, iiskedyul niya ang pagpunta namin para ipa-check ang ‘financial’ (requirement) ng munisipyo, kasi ngayon po ay nasa halos P180-million ang income ng Talavera, at ang (legal) requirement po ay nasa P100-million, kaya lang iyon ay year 2000 pa, iyan po ang aalamin namin,” sinabi ni Santos.

Sinabi ng alkalde na isa sa highlights ng pagdiriwang ng “Araw ng Magsasaka 2023” na gaganapin mula Mayo 9 hanggang 10 dito ay ang grand opening at float parade na gagawin sa Mayo 9 (Martes) alas-6 ng umaga.

Ipapakita dito ang “Yamang-Ani” ng bayan, isang street-dance competition at ang “Hugas-Kalawang Dance” kasama ang Sibul Drum Beaters at Gigantes. Susunod dito ay ang “Farmers’ Congress” sa municipal gymnasium sa ala-1 ng hapon.

Itatampok din sa Day 2-Mayo 10 (Miyerkules) sa ganap na ika-7 ng umaga ang “Sariling Atin” o “Pinaka-Contest” segment na isang agri-exhibit ng masaganang ani ng bayan at mga lokal na produkto nito.

Sa Day 3-May 11 (Huwebes), pangungunahan ni Mayor Santos at kanyang ate, Vice Mayor Nerivi Santos-Martinez ang pagtatanghal ng dula na tinaguriang “Ang Pinagmulan: The Hugas-Kalawang Festival” na gaganapin sa Talavera National High School gymnasium sa Bgy. Pagasa District alas-4 ng hapon.

Ang “Hugas-kalawang” na tumutukoy sa tradisyon ng Novo Ecijano ng pasasalamat at pagkilala sa mga magsasaka, ay literal na nangangahulugang paghuhugas ng kalawang mula sa mga kagamitan sa pagsasaka at kasuotan ng mga magsasaka sa panahon ng pagtatanim ng palay.

Sa Day 4-May 12 (Biyernes), ang 2023 Binibining Talavera grand coronation night ay gaganapin sa New Government Center sa Bgy. Dinarayat sa 6 p.m.

Magiging star-studded ito sa partisipasyon bilang pageant host nina actor-athlete Marco Gumabao at dating 2014 Miss Philippines Universe MJ Lastimosa. Kasama din bilang guest performers sina actor Ian Veneracion, Eraserheads frontman Ely Buendia, Budakhel and Unique Salonga. Inimbitahan din bilang miyembro ng board of judges ng pageant sina dating 2014 Mister International Neil Perez, at dating 2013 Miss Universe third runner up Ariella Arida.

Kabilang sa iba pang highlight ng “Farmers Week” ang “Jobs Fair” sa Mayo 12 sa Waltermart-Activity Center sa Bgy. La Torre; sa Mayo 13, ang JRVI TalaveRun Color Run kasama ang Chocolate Factory at DJ Hannah bilang mga entertainer; ang “Karera ng Kalabaw” sa Mayo 14 sa Bypass Road alas-6 ng umaga; at “Farmers’ Night – Barrio Fiesta” sa New Government Center sa Bgy. Dinarayat bandang 5 p.m.(May 14);

Sa huling araw-Mayo 15, gaganapin sa Bgy. Dinarayat ang “Palarong Pinoy” tampok ang indigenous games katulad ng “palosebo at hulihan ng biik” sa ganap ng alas otso ng umaga at ang “Parada ng Kalabaw/Gandang Kalabaw ang susunod bandang 1 p.m.

Isang engrandeng variety show din sa lugar ang magaganap bandang 5 p.m. tampok ang Itchyworms, Jason Fernandez kasama ang Sta.Maria Band, Faith Cuneta, Julie Ann San Jose, Limuel Llanes, Gigi De Lana, Big Mouth, at Ms. Giselle Sanchez.

AUTHOR PROFILE