Daveara

Ara, may pa-livelihood seminar/project

October 16, 2021 Ian F. Fariñas 1596 views

TIME out muna si Ara Mina sa shooting ng isa niyang proyekto sa Pampanga dahil kailangang samahan niya ang asawang si Dave Almarinez sa pagpa-file ng certificate of candidacy (COC) sa provincial Commission on Elections office sa Calamba, Laguna, kamakailan.

Ang daming supporters ni Dave na nag-abang sa kanila sa Comelec office na suot ay kulay green, ang campaign color ng masigasig at masipag na dating bokal ng Laguna.

Kuwento ng mister ni Ara, “Kasi, 14 years na in the making ito, eh. So hindi natin minadali, so it’s the right time. Siguro, it’s the perfect time para ito na ’yung simula ng next level nating paglilingkod sa ating mga kababayan sa San Pedro.

“Alam niyo, sa haba-haba raw ng prusisyon, du’n din ang tuloy, so parang sa amin (ni Ara) rin. Excited na may konting kaba. When I say kaba, siyempre, gusto ko malaman ano ang mga sasabihin ng mga kababayan ko. Excited akong makita sila, makasama sila sa maraming pagkakataon.”

Todo-suporta naman si Ara mister niyang nais bumalik sa public service.

Anang aktres, “Sabi ko naman sa kanya, ’andito lang ako para sumuporta sa kanya. Sabi ko, sabihin lang niya sa akin kung everyday niya akong kailangan at kung tayo’y magpapaalam sa programang kinabibilangan ko kung sakaling kailangang-kailangan niya ako every day. Siyempre, asawa niya ako, so dapat ’andu’n ako.”

Naka-focus si Dave sa scholarships, socialize healthcare, modernization ng health facilities at marami pang iba para sa kalusugan, waste management at infrastructure projects.

Si Ara naman, magsasagawa ng mga livelihood seminar at project para sa mga taga-San Pedro.

Aniya, “May mga naiisip na akong mga bagay na puwedeng gawin na makakatulong dito. Livelihood program, ’yung pagnenegosyo, maiaambag ko ang aking kaunting kaalaman sa ating mga kababaihan, hindi lang sa mga kababaihan, sa mga kabataan din para kahit bata pa sila, matuto na silang kumita ng pera.

“Lalo na ngayong pandemic, karamihan walang trabaho so walang ibang puwedeng pagkakitaan. So kahit sa maliit na halaga, ’yung puhunan, du’n, makakatulong tayo.”

AUTHOR PROFILE