Robin

Apela ni Robin sa kapwa Muslim: Linisin ang Quiapo

October 7, 2023 PS Jun M. Sarmiento 232 views

HINIMOK ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla noong Sabado ang mga kapwa niya Muslim sa Quiapo na magtulungan para linisin ang imahe ng lugar at maaari nilang gawin ito kung mamumuhunan sa lumalagong halal industry.

Sa kanyang pagbisita sa Quiapo, iginiit ni Padilla na malaking oportunidad ang halal industry lalo na’t nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na susuportahan at popondohan ito.

“Laging pinamamalita ng ibang tao na magulo ang Quiapo e pupunta ko rito, wala namang magulo rito. Puro business lang dito kaya dapat tulungan natin si Congressman Joel Chua na linisin ang masamang imaheng binabato sa atin,” sabi ni Padilla.

Dagdag niya, trilyong dolyar na ang halal industry sa buong mundo. “Napakalaking pera po noon. Ganoon kalaki ang industriya ng halal. Kaya mga kapatid ko tandaan natin ito sapagka’t ito’y priority ng gobyerno,” aniya.

Nagbibigay ang Department of Trade and Industry ng pondo para sa halal industry, kasama ang para sa paggawa ng slaughterhouse, ayon sa mambabatas. Maaasahan din ang suporta mula sa Malaysia at United Arab Emirates, aniya.

Iginiit din ni Padilla na kasama sa pagiging halal ang pagtiyak ng mga Muslim na ligtas ang kanilang mga kapitbahay. Dahil dito, nangako rin siya na tutulungan si Congressman Chua na ayusin ang Quiapo.

Ang hiling ni Padilla sa kanyang mga kapwa Muslim na iwasan ang tribal mentality at politika. “Lahat tayo ay maging Muslim muna,” aniya.