Default Thumbnail

Anim na bodega, sinalakay ng BOC

April 19, 2023 Vic Reyes 235 views

Vic ReyesPATULOY ang ginagawang inspeksiyon ng Bureau of Customs (BOC) sa mga warehouses at cold storage facilities sa bansa na pinaghihinalaang naglalaman ng mga puslit na produkto.

Ito ay parte ng pinaigting na kampanya ng gobyerno, sa pamamagitan ng BOC, laban sa ismagling, partikular na ang prohibited drugs at mga produktong agrikultura.

Alam naman ng lahat na hirap na ang mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa dahil sa pagbaha sa lokal na merkado ng mga puslit na isda, sibuyas, bawang at iba pang produkto.

Ito nga ang dahilan kung bakit ayaw pang bitawan ni Pangulong Bongbong Marcos ang pamumuno sa Department of Agriculture dahil sa dami ng problema sa agriculture sector.

Hindi natin masisisi si Apo Bongbong dahil sa kanya umaasa ang mga magsasaka, mangingisda at ang mga pamilya. Sila ang bumubuo ng majority ng populasyon ng Pilipinas.

Nito ngang nakaraang Abril 12 ay nakadiskubre ang mga taga-BOC ng mga pinaghihinalaang puslit na produktong agrikultura na nakaimbak sa anim na bodega sa Metro Manila.

Nagkakahalaga ng mahigit na P150 milyon, ang mga produktong agrikultura, na galing ng China, ay nakita sa mga bodega sa Lungsod ng Manila, Caloocan at Navotas.

Ang mga produkto ay kinabibilangan ng mga frozen meat at sariwang prutas, ayon sa BOC, na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

Kabilang din sa mga nakitang produkto sa mga bodega ay frozen pork, beef. chicken, round scad, squid at iba pang isda.

Ang inspeksiyon ay isinagawa ng MICP’s Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service at ESS Quick Response Team (QRT).

Ito ay sa bisa ng Letters of Authority (LOAs) na inisyu ni Commissioner Rubio pagkatapos na makatanggap ng derogatory information laban sa mga nasabing bodega.

Pinasalamatan ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy si Commissioner Rubio dahil sa agaran niyang pag-isyu ng LOAs.

Sa tingin natin ay lalo pang lalaki ang revenue collection ng ahensya sa mga darating na araw, linggo at buwan dahil sa pinaigting na kampanya laban sa ismagling.

Siyempre mapipilitang sumunod sa customs laws ang mga natitira pang tusong importer at broker dahil alam nila na seryoso ang gobyerno ni Pangulong Marcos.

Tama ba kami, Commissioner Rubio?

***

Isa na namang claimant ng shipment na naglalaman ng kush marijuana ang inaresto ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Mabuti na lamang at bihasa ang mga tauhan ng Port of Clark sa pag-analyze ng mga lumalabas na imahe sa kanilang mga x-ray machines kapag idinadaan sa scanning ang mga shipment.

Dumaan din sa K-9 sniffing ang shipment na naglalaman pala ng Kush Marijuana at hindi “Tevana Green Tea.” Ito ay galing ng California, United States of America.

Dito na binuksan ang shipment at tumambad sa mga otoridad ang limang tin cans na naglalaman ng dried leaves.

Kumuha ng representative samples ang mga taga-BOC at ibinigay sa PDEA para sa chemical laboratory analysis. Dito napatunayang may tetrahydrocannibol ang samples.

Ang tetrahydrocannibol ay isang dangerous drug sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

Kaya noong Abril 13 ay nagsagawa ang BOC-Port of Clark at PDEA ng isang controlled delivery operation sa consignee sa kanyang tirahan sa Sta. Cruz, Manila.

Dito na inaresto ng mga ahente ang 27-year-old na consignee, na hindi pinangalanan sa report.

Sa isang pahayag, sinabi Port of Clark District Collector John Simon na tuloy-tuloy ang kampanya laban sa pagpasok ng illegal drugs sa bansa alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos at BOC chief Bienvenido Y. Rubio.

Another good job, mga bossing diyan sa Port of Clark sa Pampanga.

***

Eleven days na lang at buwan na ng Mayo.

Ang ibig sabihin niyan ay dadami pa ang mga kasayahan, kagaya ng mga pista, reunion at Flores de Mayo, na gaganapin sa ibat-ibang parte ng ating bansa.

Pero kagaya ng paalaala ng gobyerno, huwag natin kalimutang sumunod sa minimum health protocols dahil nandiyan pa rin ang COVID-19 at iba pang sakit.

Hindi naman mahirap sumunod sa mga protocol na ito dahil madali namang magsuot ng maskara at maghugas ng kamay pagkatapos lumabas ng bahay.

Ingat tayo palagi.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong oangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE