Angelika

Angelica, ini-enjoy ang pagsusuka

March 31, 2022 Vinia Vivar 168 views

Matagal nang pangarap ni Angelica Panganiban na maging isang ina pero aminado siyang hindi niya inaasahang darating ito sa pagkakataong ito.

Kwento ng aktres sa panayam sa kanya ng Star Magic Inside News, biglaan lang ang pagkaka-discover niya na buntis siya.

“Nalaman ko siya sa hindi namin ini-expect na pagkakataon,” pagbabahagi ng aktres. “Nalaman ko siya sa trabaho. Mag-i-start na ako ng lock-in para sa My Papa Pi, kasama si Papa Pi (Piolo Pascual).”

Delayed na raw ang period niya that time pero ayaw pa rin niyang isipin na buntis siya dahil noon pa naman ay tina-try na nila talaga ng partner niyang si Gregg Homan na magka-baby pero laging negative.

“So, sa isip-isip ko naman parang imposible kasi we’ve been trying, eh. Kaya lang lagi namang negative ‘yung result. So parang ayaw ko na ma-heartbroken. So parang ‘hindi, feeling ko darating ‘yung period ko,’” aniya.

Pero hayun na nga at positive na ang result.

That moment, litung-lito na siya at hindi na niya alam ang gagawin.

Siyempre, given na sobrang saya niya but at the same time, sana raw ay kasama niya ang partner sa magical moment na ‘yun.

“Litung-lito talaga ako. Siyempre gusto kong puntahan ‘yung Mama ko, gusto ko siyempre makasama ang partner ko, na kami ang magse-celebrate, kami ang magkasamang pupunta sa hospital, kami ang magpapa-check-up together.

“Hindi ko alam, talagang ang weird ng naramdaman ko. Talagang nag-earthquake ang katawan ko, nanginginig ang kamay ko. Then nagpa-panic na ako, kasi ‘di ko talaga alam ang gagawin ko,” kwento pa ng aktres.

At nang sinabi na nga niya kay Gregg ang magandang balita, nag-iyakan daw silang dalawa at hindi na nagkaintindihan.

“Siya ‘yung nagpa-panic kasi ang layo ko. Nasa Subic siya, nasa Antipolo ako, so parang gusto niya akong puntahan. ‘Di pwede, naka-bubble ako, naka-RT-PCR kami lahat dito, mahirap. Talagang ang hirap ng mga unang oras namin. So parang gusto kong tumakas, gusto ko talaga umalis. Gusto mo yakapin ang person na ‘yon, pero wait, hintayin natin,” sey pa niya.

Ayon sa aktres, mahirap man ang first trimester niya dahil nga bago lahat sa kanya ang pakiramdam ng naglilihi, maligayang-maligaya niya itong in-embrace lahat.

“Medyo mahirap siya dahil ‘di ko talaga naiintindihan talaga ‘yung nangyayari sa katawan ko. Suka, tapos iiyak, tatawa, mainit ang ulo. Biglang para akong kinikiliti kakatawa ko. Konting bagay na makita ko, pinagtatawanan ko. Ang babaw-babaw ng lahat. Tapos, lahat siyempre, naaamoy mo, totoo pala ‘yon. Lahat naririnig mo. Konting galaw, ramdam mo.

“But ini-enjoy ko, ini-enjoy ko talaga dahil nga ang tagal ko itong hinintay. Lahat ng mga kaibigan ko kapag nabubuntis, ako ‘yung mahilig mag-interview na kung ano ang pakiramdam ganyan.

Tapos naa-amaze lang ako sa pagiging babae, parang ‘wow ang galing, mararamdaman ko kaya yan?’ So nu’ng ‘etong dumating siya, parang kahit mahirap ang pagsusuka, ini-enjoy ko lang,” lahad ni Angge.

Nagpasalamat ang aktres sa Star Magic management niya na kaagad naintindihan ang kanyang sitwasyon kahit may trabaho pa siyang dapat tapusin.

“Sobrang thankful ko dahil hindi nila ako pinahirapan, talagang walang pagpilit na mag-stay pa ako, i-try ko, tapusin ko ‘yung isang season, wala, walang ganoon. Talagang inintindi nila ako. Open arms nilang tinanggap ‘yung good news. Lahat sila tumawag, lahat sila nag-text, nagko-congratulate sila, sobrang supportive nila,” sey pa niya.

AUTHOR PROFILE