Aiko

ABS-CBN, pinakamalaking isyu pagkatapos ng eleksyon — Vice Gov. Jay

March 31, 2022 Ian F. Fariñas 839 views

MAKABABALIK ang ABS-CBN at ito ang magiging pinakamalaking issue pagkatapos ng eleksyon. ’Yan ang paniniwala ng BF ni Aiko Melendez na si Vice Governor Jay Khonghun, na kasalukuyang tumatakbo sa pagka-kongresista ng 1st district ng Zambales sa ilalim ng Nacionalista Party.

“It all depends kung sino ang mananalo (sa pagka-pangulo),” paliwanag pa niya.

One hundred and one percent daw siyang sigurado na ito ang pinakamalaki at pinakamainit na pag-uusapan pagkatapos ng halalan sa Mayo at hindi magiging problema ang kawalan ng frequency nito (na napunta na nga sa AMBS ni dating Sen. Manny Villar).

“It can be readily available depende kung sino mananalo,” giit pa niya.

Maging si Aiko, supporter ng abs-cbn, ani Vice Gov. Jay.

“Kahit naman nu’ng nasa kabila (GMA-7) siya. Kasi nga, ano siya, eh, nagke-care siya sa mga empleyado ng abs-cbn, marami siyang kaibigan, nabigyan ng trabaho, nabigyan ng break, saka ’yung love niya sa industriya. Lalo na nagkasabay-sabay ngayong pandemic, chain reaction ’yan,” patuloy niya.

Kababalik lang ni Vice Gov. Jay sa Subic nang makausap ng press sa White Rock Beach Resort kamakailan dahil sinorpresa niya si Aiko sa grand rally nito bilang kandidato sa pagka-konsehal sa 5th district naman ng Quezon City.

Balik-pulitika nga ang aktres matapos ang siyam na taon.

“Baka magtampo sa akin, eh. Ako ang number one supporter niya saka support na rin kasi umuuwi rin ’yan (Aiko) dito para suportahan ako,” kwento ni Vice Gov. Jay.

Present din daw sa grand rally ng aktres ang long-time showbiz friends nitong sina Yayo Aguila, Gelli de Belen, Wendell Ramos, atbp.

Ani Vice Gov. Jay, maging ang tatay niyang si Rep. Jeffrey Khonghun ay suportado ang muling pagsabak ni Aiko sa pulitika.

“Gusto niya manalo si Aiko. She’s been running independent. Sariling kayod sa QC. That’s why I’ve been helping her, I’ve always been there for her every step of the way. She’s been out of politics for nine years. Marami nang nagbago, minsan tinatanong niya ako kung ano na ang sistema ngayon. Every politics is local, so bakbakan,” dagdag kwento niya.

Limang taon na ring magkarelasyon ang dalawa kaya naman hindi na isyu ang pagtakbo nila nang sabay ngayong Mayo.

If at all, mas madadalas pa nga ang pagkikita nila sa Maynila sakaling palarin siyang maupo sa Kongreso.

Para kay Vice Gov. Jay, nalagpasan na nila ni Aiko ang selosan stage dahil buo na ang tiwala nila sa isa’t isa.

Tanggap na rin ng kanya-kanyang pamilya ang relasyon ng dalawa at katunayan, close si Vice Gov. Jay sa dalawang anak ng actress-GF na sina Andrei at Marthena.

Si Aiko naman, super close sa mga Khonghun, lalo na raw sa daddy niya na sa tingin ni Vice Gov. Jay ay mas anak pa ang turing sa aktres kesa sa kanya.

Aminado ang bise gobernador na napag-uusapan na rin nila ang pagpapakasal, lalo pa nga’t hindi na sila bumabata.

Pero aniya, sa ngayon, “We’ve been concentrating muna sa mga career namin parehas because siyempre, ang career namin is part din ng pagkatao namin, part ng personality namin. ’Pag tinanggal mo parehas sa amin ’yung career namin, hindi na kami ’yon, ’di ba?

“For example, siya, I have to accept the fact that she’s also a politician and a showbiz personality. I cannot remove that from her kasi ’pag tinanggal ko ’yon, hindi na si Aiko ’yon. ’Yung personality, ’yun ’yung bumubuo sa tao. Like for me rin, hindi mo pwedeng tanggalin sa akin ang pagiging public servant ko. Kasi ’pag tinanggal mo sa akin ’yon, hindi na rin ako ’yon. hindi ako mabubuo. ’Yun lang, respetuhan na lang ng pagkatao sa aming dalawa and we’ve always been there to support each other. Saka talagang suportado namin ang ano ng bawat isa.”

Hindi raw niya hihilingin na mag-give-way si Aiko sa hangaring makapagsilbi sa mga tao kaya dito muna ang focus nila lalo pa nga’t para kay Vice Gov. Jay, ang bawat eleksyon ay mistulang isang “dog fight” at talaga namang “difficult.”

Kailangan daw patunayan ng bawat kandidato na deserving sila sa tiwala at suporta ng publiko.

AUTHOR PROFILE