Default Thumbnail

Ang Radyo at Tiwala

February 12, 2022 Magi Gunigundo 837 views

Magi GunigundoIPINAHAYAG noong 2011 ng Member States ng UNESCO, at pinagtibay ng United Nations General Assembly noong 2012 na magiging World Radio Day (WRD), o Pangdaigdigan Araw ng Radyo , ang Pebrero 13 bawat taon.

Ang radyo ay isang makapangyarihang kasangkapan para sa pag-unlad ng sangkatauhan at pinangingibabawan nito ang pagkakaiba-iba natin ng kultura, relihiyon, lahi, at wika. Nagsisilbi rin ang radyo bilang mainam na entablado para sa demokratikong diskurso. Hindi ito nakapagtataka sapagkat ang radyo ay may natatanging kakayahang maabot ang napakaraming tagapakinig.

Nangangahulugan ito na ang radyo ay maaaring hubugin ang opinyon ng isang lipunan upang mabuksan ang positibong pananaw ng pagkakaiba-iba, tumayo bilang isang arena para sa lahat ng mga boses na magsalita at kumatawan sa mga pangkat na hindi naisasali sa pagbuo ng patakaran at programa ng pamahalaan at ng marinig ang lahat.

Ang tema ng pagdiriwang ngayon 2022 ay “Radyo at Tiwala” at ito ay may tatlong bahagi : tiwala sa pamamahayag sa radyo- ang respeto sa malaya at de kalidad na pamamahayag at pagwawaksi sa fake news at pagpraktis ng responsableng “fact checking” bago mag brodkast ; tiwala at kakayanan na madaling mapakinggan- pag-aalaga sa mga taga-pakinig sa kanilang mga kailangan at maging tulay ng pagbubuklod sa kabila ng pagkakaiba ng nakikinig; tiwala at pagiging matatag ng mga istasyon ng radyo-ang business model ay nakatutok sa pagpapanatili ng mga masugid na tagapakinig na nalilibang at naaaliw sa paglahok sa palatuntunan at diskurso upang sa gayon ay kumita ang istasyon at di malugi.

Ayon kay Pauline Estella at Martin Loffelholz, para sa mga Pilipino ang radyo ay nananatiling makabuluhan na pinanggagalingan ng impormasyon sapagkat nasasagap ang brodkast nito sa pinakliblib na lugar sa nayon batay sa pag-aaral ng Media Ownership Monitor o MoM noon 2017. Ang pinakahuling datos na kinalap ng PH Statistics Authority noon 2013 ay nagsasabing ang radyo ang ikalawang pinagmumulan ng impormasyon ng madla. Dalawa sa limang tao o 41.4% ay nakikinig sa radyo minsan sa isang linggo. Naabot ng radyo ang 85 % ng mga tahanan batay sa 2012 datos (National Commission on Culture and Arts, na binanggit ng Communicating with Disaster-Affected Communities Network o CDACN, 2012, p.13).

Ayon sa MoM, tinatayang nasa 1,500 ang bilang ng mga istasyon ng radyo ( 416 AM at 1,042 FM ) batay sa 2016 datos ng National Telecommunications Commission. Mas marami ang nakikinig sa mga FM stations at 90% sa kanila ay gustong makinig sa musika samantalang ang nakikinig sa AM stations ay interesado sa balita, lagay ng panahon, at mga public service programs tulad ng konsultasyon sa doktor at mga abogado , at iba pang eksperto sa iba’t ibang larangan , at malayang talakayan ng nagbabagang balita. Ang iba naman ay nakikinig sa live coverage ng mga laro ng basketball at boksing at pagsasadula ng piling kwento tulad ng Gabi ng Lagim at Dear Tiya Dely.

Apat na AM stations ang kumakain ng 84% ng mga tagapakinig sa radyo :DZMM 630 Radyo Patrol, DZBB 594 Super Radyo, DZRB 738 ‘Radyo ng Bayan’, at DZRH 666 ayon sa datos ng Nielsen Co. survey 2016. Mahigit sa 90 % ng mga istasyon ng radyo ay pribado ngunit ang DZRB 738, na pag-aari ng pamahalaan , ay pumapangalawa sa laki ng bilang ng tagapakinig. Ang datos na ito ay bago pa binawian ng prangkisa ang ABS-CBN na may ari ng DZMM 630.

Duminado ng pitong pangkat sa brodkasting ang merkado(CDACN, 2012, p.24) tulad ng ABS-CBN and GMA, na mayroon din istasyon ng telebisyon na sabayan nagsasapahimpapawid ng ilan nilang mga programa sa TV at radyo.

Daan din ang bilang ng mga istasyon ng radyo sa rehiyon at kanayunan. Bagamat kulang sa datos, marami sa hanay ng mga advertisers ng sabon, alak at iba pang produkto ang may pananaw na mabisa ang paglalagay ng komersyal sa mga istasyon ng radyo sa rehiyon(Rosales, 2006, p.149).

Isang epekto ng lakas ng impluwensya ng radyo sa pagbuo ng opinyon ng tao ay mas maraming brodkaster sa radyo, higit pa sa mga peryodista ng diyaryo, ang dumaranas ng pananakot, karahasan at kamatayan dahil sa walang puknat na pagbatikos sa mga nagmamalabis sa posisyon at tayo sa lipunan (Rosales, 2006, p. 148). Ipinaliwanag ni Rosales (2006) na ang walang takot na paggamit ng karahasan para patahimikin ang brodkaster ay bunga ng impluwensiya ng mga politiko, mga alagad ng batas at mayamang negosyante na kinukurap ang mahinang sistema ng hustisya, at ng kakulangan ng propesyonalismo ng mga gumagawa ng balita at pati na rin ang kakulangan ng proteksyon sa mga brodkaster ng mga may ari ng istasyon ng radyo( basahin din si Shafer, 1990; Tiglao, 1991).

Tapos na ang panahon nila Joe Taruc, Paeng Yabut, at June Keithley na pinagtitiwalaan at sinusunod ng lipunan para supilin ang mga kaaway ng kalayaan. Sa panahon ng internet, nawa ay manatili pa rin makabuluhan at makatotohanan ang impormasyon mula sa radyo.

AUTHOR PROFILE