Ang Islam ay pag-ibig, habag, at kapayapaan
“HUWAG ninyong saktan ang sinuman upang hindi kayo saktan ninuman. Tandaan, tiyak na kayo ay haharap sa Panginoon, at tiyak na Kanyang isasaalang-alang ang iyong mga gawa.”
Ito ang isang mahalagang winika ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) bilang bahagi ng kanyang Pangaral ng Pamamaalam sa kanyang huling Hajj sa araw ng Dhul Hijjah.
Puno ng aral ang Islamikong Katuruan ukol sa tungkulin ng mga Muslim na maging maawain, magalang, at makatarungan. Sa katunayan, mahalagang gampanin para sa araw-araw na pamumuhay ng Muslim ang pagiging huwaran sa pakikipagkapwa-tao. At alinsunod sa Banal na Q’uran, Hadith (tradisyon), at mabuting katuruan ni Propeta (SAW), sinuman ang nananampalataya kay Allah at kumikilala sa Kabilang Buhay ay hindi nananakit ng kanyang kapwa, Muslim man o hindi.
Ito ang paulit-ulit nating bibigyang diin sa lahat ng diskursong maiuugnay sa Islam at mga kapatid nating Muslim.
Bilang kinatawan ng ating mga kapatid na Muslim-Filipino sa Senado, personal at kolektibong sentimyento natin na bigyang linaw at katuturan ang mga katuruan ng Islam, lalo na sa gitna ng takot, pagkamuhi, at stigma sa relihiyon at mga Muslim sa pangkalahatan.
Kaya naman emosyonal ang ating naging manipestasyon kamakailan sa ulat ng pagmamaltrato at pang-aabuso sa ating mga mahal na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa mga nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan na ang pinakamalaking populasyon ay mga Muslim.
Buo ang ating paggalang at pagkilala kay Sen. Raffy Tulfo sa paglalahad ng kanyang privilege speech ng kalagayan ng ating mga migrant workers. Namulat tayo sa sa mga video ng pananakit sa mga OFWs. Maingat din ang ating ginagalang na Senador na hindi iugnay bilang gawi ng mga Muslim ang mga nasabing kaso ng pang-aabuso.
Gayunman, personal ko pa rin pong pananagutan na maiparating sa opisyal na talaan ng Senado at sa publiko na walang anumang uri ng ugnayan ang pagiging tradisyunal na Islamic population ng mga bansang nabanggit sa mga krimeng naiulat laban sa ating mga OFWs.
Pinapanatili natin na dapat kondenahin at patawan ng marapat na kaparusahan ang mga lumapastangan sa ating mga kababayan. Kasama po ako ni Idol Senator Raffy sa pagpapaigting ng Migrant Workers Act at pagsisiguro na prayoridad natin ang kapakanan ng ating mga kababayan saan mang panig ng mundo.
Ilan sa ating sisiguruhin, bukod sa pagpapatibay ng seguridad at kaligtasan sa dayuhang bayan, ay maigting na oryentasyon sa relihiyon, politika, at kultura sa bansang tutunguhin o host country; gayundin ang bukas, maasahan at epektibong pakikipag-ugnayan sa mga tanggapan ng gobyerno para sa tulong na legal, repatriation, at seguridad.
Sa kabilang banda naman, isusulong po natin ang ating panukalang batas para sa proteksyon ng pantay na pagkilala at walang diskriminasyong pagtrato batay sa lahi, etnisidad, relihiyon at pati na sa mga nabilanggong indibidwal. Sa ilalim ng Senate Bill 233, wala nang pagtatangi o paghihiwalay na pagtrato sa lipunan. Wala ng diskriminasyong maghahari na nakapipinsala at nakakaapekto sa mga pangunahing karapatan ng bawat mamamayan sa ating lipunan. Kaya akin pong uulitin: wala na pong lugar ang diskriminasyon at karahasan.
Ang unang hakbang ay suriin ang ating pag-unawa sa relihiyong na sumesentro sa aral ng pakikipagkapwa-tao, at nag-aatas ng pagbati sa lahat ng may kapayapaan (As-Salaam-Alaikum).
Sa huli, tayo po ay may iisang gampanin: mamuhay ng may kapayapaan, awa, pagmamahal, at paggalang sa isa’t isa — Muslim, Katoliko, at anumang tinatanging pananampalataya. Ni Sen. Robinhood Padilla