Anak ng Sultan Kudarat mayor, isa patay sa pamamaril

December 14, 2022 Zaida I. Delos Reyes 140 views

DALAWA katao kabilang ang anak ng alkalde ng Sultan Kudarat ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan sa naganap na pamamaril nitong Martes ng gabi sa bayan ng Lutayan sa nasabing probinsya.

Kinilala ni Lutayan Police Chief P/Capt. Leonel Delasan ang mga nasawi na sina Datu Naga Mangudadatu, 30, anak ni Sultan Kudarat Mayor Pax Mangudadatu; at isang residente ng Mangudadatu, Maguindanao del Sur.

Isinugod naman sa pagamutan matapos tamaan ng ligaw na bala sina Watarim Kalim 34, at isang 11-anyos na batang lalaki, pawang mga residente ng Barangay Paitan.

Batay sa inisyal na ulat, ang insidente ay naganap dakong 6:30 (Disyembre 13) ng gabi sa pamilihang bayan ng Lutayan.

Nasa loob umano ng kanyang tanggapan si Mangudadatu nang paulanan ng bala ng dalawang suspek na una nang namataan na lulan ng isang pickup truck.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga salarin habang isinugod naman sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang anak ng alkalde.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang ginawang pananambang.