Faustino

DND nababahala sa presensiya ng Chinese vessels sa WPS

December 14, 2022 Zaida I. Delos Reyes 99 views

NAGPAHAYAG ng labis na pag-aalala ang Department of National Defense (DND) sa napaulat na presensiya ng mga Chinese vessels sa Iroquis Reef at Sabina Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay DND Senior Undersecretary at Officer-in-Charge (OIC) Jose C. Faustino Jr., malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang isusuko na kahit na anong teritoryo ng bansa sa dayuhan.

Patuloy din aniya ang pagsasagawa ng routine maritime at aerial patrol sa paligid ng WPS at lahat ng nakakalap na impormasyon ay agad na ipinapasa sa kinauukulan para sa karampatang aksyon.

“The President’s directive to the Department is clear – we will not give up a single square inch of Philippine territory. We continue to conduct routine maritime and aerial patrols in the WPS. Information gathered in these patrols [is] submitted to relevant authorities for appropriate action,” pahayag ni Faustino.

Aniya, sa ngayon ay bukas ang kanilang hanay para sa posibleng pag-uusap subalit naninindigan silang ang presensiya ng mga Chinese vessels sa lugar ay isang maliwanag na paglabag at “hindi katanggap-tanggap.”

“Our lines remain open to dialogue. However, we maintain that activities which violate our sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction, and undermine the peace and stability of the region, are unacceptable,” ani Faustino.

Iginiit pa ni Faustino na nanatiling “committed” ang bansa sa pagsunod sa mga napagkasunduang batas sa WPS at South China Sea at handa rin umano ang bansa na tugunan ang mga sitwasyong lumalabag at nagbabanta sa territorial integrity at sovereignty ng bansa.

“The Philippines remains committed to maintaining a rules-based order in the West Philippine Sea and the larger South China Sea and reserves the right to deal with any situation that violates or threatens our territorial integrity and sovereignty,” dagdag pa ni Faustino.

Matatandaang nitong nakalipas na linggo ay kinumpirma ng isang opisyal ng militar ang ulat na pagdagsa ng mga Chinese vessels sa pinag-aagawang teritoryo.