Default Thumbnail

Alyas ‘Big Time’ kalaboso sa iligal na droga

March 22, 2023 People's Tonight 288 views

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang 32-anyos na lalaki makaraang matimbog sa isinagawang buy-bust operation sa Quiricada Street, Barangay 255, Tondo, Maynila, Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala lamang ang suspek sa alyas “Big Time,” binata, at residente sa naturang lugar.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jorge Meneses lll, commander ng Manila Police District (MPD) Moriones Police Station 2, bandang ala-1:00 ng madaling araw, nang malambat ang suspek sa nasabing lugar.

Bago pa man isinagawa ang buy-bust, nakipagkoordina muna ang isa sa tauhan ni Meneses na miyembro ng Station Drug Enforcement Team (SDET) sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Matapos na magpositibo ang operasyon ng tanggapin ng suspek ang P500 na marked money, dito na sumenyas ang poseur buyer at inaresto agad ni PSSgt. Jimmy Boy Fajardo, kasama sina P/Cpl. Jeric Retarino, at Pat. John Paul Burcer si “Big Time.”

Nadiskubre sa pagkapkap ng mga operatiba ang dalawa pang bulto na plastic sachets ng 11.8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P80,240 mula sa suspek.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article ll ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek ayon sa ulat ng pulisya.

AUTHOR PROFILE