Bea

Alden, ‘welcoming committee’ ni Bea

July 27, 2022 Ian F. Fariñas 253 views

SI Alden Richards pala ang nagsilbing “welcoming committee” ng bagong Kapuso na si Bea Alonzo sa set ng first team-up nilang Start-Up sa Kapuso network.

Ito ang ikinuwento ng aktor sa virtual media conference para sa Pinoy adaptation ng sikat na Korean series kamakalawa.

Siya raw ang nagpapakilala kay Bea and vice-versa tuwing may makakasama silang mga bagong mukha at katrabaho sa set ng Start-Up.

Sabi pa ni Alden, common knowledge na big fan siya ng Bea-John Lloyd Cruz loveteam kahit nu’ng wala pa siya sa showbiz.

Kaya naman sa dalawa lang daw siya talaga na-starstruck sa buong buhay niya.

Nakatulong nang malaki ang pagsasama nila ni Bea sa ilang product endorsement shoots dito at sa Bangkok, Thailand, para maging kumportable sila sa isa’t isa.

Feeling pa ni Alden, magandang tiyempo at proyekto ang Start-Up sa pag-launch ng tandem nila ni Bea sa GMA-7 na magkatuwang na dinidirek nina Dominic Zapata at Jerry Sineneng.

Papuri pa ng aktor sa kanyang ka-partner, napaka-professional nito sa pagganap sa papel ni Dani Sison kaya naman hindi sila nahirapang palabasin ang kanilang chemistry sa screen.

’Yun nga lang daw, dahil nga sobra ang paghanga niya rito, may moments sa mga eksena nila na kailangan niyang i-remind ang sarili na artista siya rito at hindi lang Alden na fan boy ni Bea.

Sa ngayon, nangangalahati na sila sa taping at na-i-excite siya sa pagganap sa karakter ni Good Boy (Tristan Hernandez) dahil for a change ay masungit ang role niya rito kumpara sa nakagawian niyang roles na madalas na kinakawawa o kaya naman ay inaapi.

Sa Pinoy adaptation ng Start-Up, mas pinalalim umano ang mga hugot ng karakter niya kumpara sa Korean version.

“Si Good Boy, kahit gaano ka-cold at ka-suplado, andu’n pa rin ’yung may mabuti siyang puso, kahit papaano. May problema lang siya on how to express ’yung sarili niya coming from all the challenges na naranasan niya nu’ng kabataan niya. Hindi siya showy sa emotions niya kaya nami-misinterpret siya ng mga tao,” ani Alden.

Pagkatapos ng Start-Up taping, magiging sobrang busy naman ang aktor sa upcoming us concert tour ng ForwARd kasama si Sue Ramirez bilang special guest.

AUTHOR PROFILE