ABS-CBN Music artists, ni-remake ang ‘Pag-isipan Mo Ang Boto Mo’
Nagsanib-pwersa sina Alexa Ilacad, Angela Ken, Anji Salvacion, Antenorcruz, FANA, iDolls, Janine Berdin, JM Yosures, JMKO, Jona, KD Estrada, Lara Maigue, Reiven Umali at TNT Boys para sa napapanahong remake ng kantang Pag-Isipan Mo Ang Boto Mo.
Mapapanood na rin ang music video nito tampok ang pinagsama-samang performances ng magagaling na Kapamilya singers sa ABS-CBN Star Music YouTube channel.
Si ABS-CBN Music Creative Director Jonathan Manalo ang nagprodyus ng awitin na hango sa panulat ni Jamie Rivera na siya ring naglapat ng musika at unang umawit nito noong 2016.
Sinulat ng tinaguriang Inspirational Diva ang Pag-Isipan Mo Ang Boto Mo bilang paalala sa mga Pilipino, lalo na ang mga botanteng kabataan, na alamin ang mga plano at plataporma ng mga kandidato para sa halalan bago sila pumili ng kanilang iboboto.
Binigyang-diin din ng awitin ang pagpili ang mga kandidato na tunay na nagmamahal sa Pilipinas at hindi gagawa ng anumang bagay na ikakasama ng bansa ayon sa liriko nito na: “’Yung hindi niya sinasaktan ating inang bayan/Nagmamahal nang wagas sa bayang Pilipinas.”
Napapakinggan na ang all-star version ng Pag-isipan Mo Ang Boto Mo sa iba’t ibang digital platforms habang mapapanood ang music video nito sa ABS-CBN Star Music YouTube channel.