ABS-CBN, may paalala para sa maayos at ligtas na ‘Halalan 2022’
Para sa kaligtasan ng milyun-milyong botanteng Pilipino sa “Halalan 2022” ngayong Lunes (Mayo 9) mula 6 a.m. hanggang 7 p.m., hatid ng ABS-CBN ang ilang mahahalagang paalala na magsisilbing gabay sa pagboto ngayong panahon ng pandemya.
Sa magkakahiwalay na video, inilatag ng ABS-CBN ang mga dapat at hindi dapat gawin ng mga botante sa araw ng eleksyon, ang tamang paggamit sa balota, at iba pang mga bilin upang maging madali at maayos ang darating na halalan.
Sa Paalala sa Botante: Pag-iingat sa COVID-19 plug, pinapaalalahanan ang lahat na magsuot ng face mask, sumunod sa social distancing at sumailalim sa temperature check bago pumasok sa voting site.
Maaari ring makaboto kahit walang ID pero makakatulong na magdala nito ayon sa COMELEC, sabi sa Paalala sa Botante: Dos and DON’Ts” plug.
Pwede ring magdala ng kodigong iboboto sa papel o cellphone. Ipinagbabawal naman ang pagsuot ng damit na may mukha o pangalan ng kandidato. Bawal din gamitin ang cellphone para mag-selfie at mag-video pati na rin ang pagkuha ng video o larawan ng balota.
Sa Paalala sa Botante: Balota plug, ipinaalala sa mga botante na tiyaking walang punit, sulat at hindi pa gamit ang balota.
Hindi ito dapat marumihan at bawal ding sulatan ang ibang bahagi nito o guhitan ang pangalan ng mga hindi iboboto.
Tanging ang bilog sa tabi ng pangalan ng iboboto ang pwedeng itiman. Tiyakin na mai-shade ang buong bilog at hindi pwedeng bumoto ng higit sa nakatalagang bilang sa bawat posisyon. Paalala rin sa video na tignan ang likuran ng balota at kumpletuhin ang pagboto.
Gawa ng ABS-CBN Creative Communication Management division, mapapanood ang naturang mga video sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC at sa iba’t ibang Facebook page at YouTube channel ng ABS-CBN.
Bago ito naglabas din sila ng serye ng plugs kung saan ibinahagi ng iba’t ibang Pilipino kabilang ang isang OFW, tindera, tsuper, guro, magsasaka, mangingisda, doktor at kabataan ang mga katangian na kanilang hinahanap sa mga kumakandidato.
Naglabas din ang ABS-CBN ng isang video ng panalangin para sa “Halalan 2022” kahapon, Linggo, Mayo 8.
Samantala, handa na ang buong pwersa ng ABS-CBN News para sa Halalan 2022: The ABS-CBN News Special Coverage na magsisimula ng 5 a.m. ngayong Lunes at magtutuluy-tuloy hanggang 12 noon bukas, Martes, Mayo 10.
Tutukan ito online sa ABS-CBN News YouTube channel o news.abs-cbn.com.
Mapapanood din ito sa ABS-CBN News Facebook page at TikTok account, A2Z, Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube, maliban sa timeslot ng It’s Showtime.