Lacuna

Sta. Ana Hospital tumanggap ng pinakamataas na marka

August 4, 2022 Edd Reyes 243 views

TUMANGGAP ng pinakamataas na marka sa lahat ng pampublikong pagamutan sa Metro Manila ang Sta. Ana Hospital, isa sa mga ospital sa anim na distrito ng Lungsod ng Maynila, kaugnay sa pagtugon at pamamahala sa pandemiyang dulot ng Coronavirus disease o COVID-19.

Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, isa ring doktor, na nakatanggap ng kabuuang puntos na 97 sa kabuuang 100 marka mula sa Metro Manila Center for Health Development-Health Facility Development and Enhancement Unit (HFDEU), isang ahensiyang nasa ilalim ng Department of Health (DOH).

Sinabi ng alkalde na ito na ang pinakamataas na marka mula sa lahat ng pampublikong pagamutan ng mga lokal na pamahalaan sa buong Kamaynilaan at DOH matapos ipagkaloob sa Sta. Ana ang kahanga-hangang nagawa nito lamang Miyerkules ng hapon.

“Congratulations sa Sta. Ana Hospital sa pagtanggap ng highest ranking mula sa lahat ng LGU [local government unit] hospitals at National Government hospitals sa Metro Manila. Maraming salamat po sa Department of Health dahil sa assessment na ibinigay ninyo sa aming ospital,” pahayag ni Mayor Honey.

“Makakaasa po kayo na pagbubutihin pa po ng Manila LGU para magbigay ng quality service para sa ating mga Manilenyo,” dugtong pa ng alkalde.

Sa panig naman ni Dr. Grace Padilla, director ng Sta. Ana Hospital, labis aniya ang kanyang kagalakan sa ginawang pagtasa o assessment ng ahensiya.

“My deepest and sincerest thanks to all hardworking staff of Sta. Ana Hospital for garnering highest score among LGU and DOH hospitals,” pahayag ni Dr. Padilla.

“Sta. Ana Hospital will continue to provide quality service for Manileños while continuing to adhere to the highest standards set by the national agency,” dugtong pa niya.

Batay sa resulta, nakakuha ng perpektong marka na 20 ang Sta. Ana Hospital sa pamamahala, 15 sa pagsukat sa kalidad at pagpapabuti, sampu sa ligtas na pasilidad at pamamahala sa Emergency Room (ER) habang nakakuha naman ng 19 na puntos mula sa 20 para sa wastong etika at karapatan ng mga pasyente, 19 mula sa 20 puntos para sa kaligtasan ng mga pasyente at 14 mula sa 15 puntos sa pamamahala sa mapagkukunan ng mga pangangailangan.

Ang ginawang pagsusuri at pag-audit ay batay sa Memorandum No. 2020-0202 ng DOH na nakapaloob sa mga alituntunin at pagsunod sa pamantayan at mga pagbabawal na inilabas ng Infection Prevention and Control (IPC) sa gitna ng pandemiyang dulot ng COVID-19.

AUTHOR PROFILE