Default Thumbnail

9 tiklo sa smuggled na sibuyas sa Zambo City

January 27, 2023 Zaida I. Delos Reyes 197 views

SIYAM katao ang inaresto ng mga awtoridad matapos na makumpiskahan ng 976 mesh bag ng sibuyas at ang kanilang sinasakyang bangkang de motor nitong Miyerkules sa karagatang sakop ng Baliwasan, Zamboanga City.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 10:00 ng gabi (Enero 25) sa naturang karagatan.

Nagsagawa umano ng seaborne patrol ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) kasama ang 2nd Zamboanga City Mobile Force Company sa lugar nang masabat nila ang isang motorized wooden lancha na ML Princess Nordisza kung saan narekober ang mga smuggled na sibuyas.

Ang naturang bangka ay mula Taganak Tawi-Tawi at patungo sana sa Barangay Baliwasan, Zamboanga City.

Nakuha mula sa loob ng bangka ang 709 mesh bag ng pulang sibuyas at 267 mesh bag ng puting sibuyas.

Wala umanong maipakitang mga dokumento ang mga sakay ng bangka upang mapatunayan na legal ang pagbibiyahe ng sibuyas kaya’t inaresto ang mga ito at kinumpiska ang kanilang produkto.

Dinala ang mga suspek kasama ng mga sibuyas sa tanggapan ng BOC sa Zamboanga City para sa karampatang disposisyon.