Dizon

7 tiklo sa ‘Recto University’ entrapment ops

February 2, 2023 Jonjon Reyes 442 views

KALABOSO ang pitong indibidwal sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng District Special Operation (DSOU) ng Manila Police District (MPD) na diumano’y sangkot sa “pamemeke” ng mga dokumento sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue, Barangay 310 Zone 30, Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay Police Major Rommel Purisima, hepe ng DSOU, nagbunsod ang inilatag na entrapment operation makaraang magsagawa ng isang surveillance ang mga tauhan nito sa nasabing lugar.

Isang nagpanggap na kliyente na DSOU operative ang nakipagtransaksyon na magpapagawa ng driver’s license at iba pang dokumento.

Matapos magpositibo dahil sa pagtanggap ng markadong salapi ng suspek ay dito na ito dinamba ng mga iba pang operatiba na nakaposte sa lugar.

Ayon kay Purisima, ilang dekada nang namamayagpag ang mga illegal na gawain umano kaya’t nangako itong araw-arawin nila ang tinaguriang “Recto University.”

Dahil dito, iniutos rin ni MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon na handa itong “burahin” ang masamang imahe ng lugar at babantayan na ng mga pulis.

Ang pitong suspek ay nahaharap sa paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code (RPC) para sa “Falsification of Public Documents” habang ang mga gamit sa mga pekeng dokumento ay nasamsam ng mga operatiba na siyang magiging ebidensiya laban sa mga akusado.

AUTHOR PROFILE