66 drayber huli sa ‘no vax, no ride’

January 25, 2022 Jun I. Legaspi 126 views

ANIMNAPU’T ANIM (66) na drayber ng public transportation ang hinuli ng composite teams ng Land Transportation Office National Capitol Region (LTO-NCR) dahil sa paglabag sa “No vaccination, No Ride” policy ng Department of Transportation (DOTr) sa ibat’-ibang lugar sa Metro Manila sa nakalipas na isang linggo.

Ayon kay Atty. Clarence V. Guinto, Director ng LTO-Law Enforcement Service, tatlo (3) dito ay naisyuhan ng Temporary Operating Permit (TOP), apatnapu (40) naman ay paglabag sa health at safety protocols, at dalawampu’t tatlo naman ay dahil sa ibat’-ibang traffic violations.

Ayon kay Guinto, ang tatlong driver ay naaktuhan ng mga mystery officer ng agency na sumakay ng mga jeepney ng walang ipinakitang mga vaccination card.

Ang 40 nahuli naman ay dahil sa hindi maayos at seryosong pagpapatupad ng safety at health protocols, tulad ng social distancing, hindi pagsusuot ng facemask, sobrang pagsasakay ng pasahero at iba pang safety o health protocol violations.

Samantalang ang natirang 23 drivers ay hinuli dahil naman sa tuwirang paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation Traffic Code (LTTC).

Magpapatuloy ang operations ng agency hanggang sa mga susunod pang mga araw para bigyan proteksiyon ang mga mamamayan lalo na ang mga pasahero, saad ni Guinto.

AUTHOR PROFILE