Default Thumbnail

6 timbog sa iligal na droga sa Batangas

May 31, 2023 Jojo C. Magsombol 182 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Arestado ng mga awtoridad ang anim na drug personalities o ang tinatawag na “street level individuals” (SLIs) sa magkakahiwalay na operasyon kontra iligal na droga sa iba’t-ibang lugar sa Batangas Lunes, Mayo 29, 2023.

Ayon sa report ni Batangas police director P/Col. Rainerio M. De Chavez kay Police Regional Office (PRO) Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Director P/Brig. Gen. Carlito M. Gaces, isa sa mga naaresto ay mula sa bayan ng San Pascual na itinago sa alyas na “Jun,” 22, dakong ika-5:02 ng umaga sa Barangay Bayanan ng naturang bayan kung saan nakumpiska sa kanya ang ilang gramo ng iligal na droga at P500 marked money.

Natimbog naman sa bayan ng Taysan ang isang suspek na sinasabing “tulak” din ng iligal na droga dakong 12:45 ng tanghali sa Bgy. Mahanadiong ng naturang bayan.

Nakuha sa kanya ang na ilang gramo ng iligal na droga at markadong salapi.

Isa namang alyas “Lawrence,” 40, ang naaktuhang gumagamit ng iligal na droga dakong alas 2:47 ng hapon sa Bgy. Caloocan, Balayan, Batangas at nakarekober ng mga pulis ng ilang gramo ng shabu.

Samantala, huli rin sa Bgy. Malaruhatan, bayan ng Lian, Batangas dakong alas 5:48 ng hapon si alyas “Neil,” at nakumpiska ang ilang gramo ng shabu at markadong salapi.

Dakong alas 7:35 ng gabi ay arestado rin ang isang 21-anyos na suspek sa Bgy. Bucana, Nasugbu, Batangas, at nakuha mula sa kanya ang shabu, marked money, at cellphone.

Huling nalambat ang isa pang lalaking “tulak” diumano ng iligal na droga sa Bgy. Balakilong, bayan ng Laurel alas 9:10 ng gabi.

Narekober sa kanya ang nasa 2.78 gramo na may tinatayang halaga na P18,900, buy-bust money, cellphone, at isang itim na Yamaha Aerox motorcycle.

Naging posible ang pagkakadakip sa suspek sa tulong ng mga impormasyon na nakarating sa mga awtoridad.

Ang anim na suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA (Republic Act) 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

AUTHOR PROFILE