Default Thumbnail

500 na ang tumanggap ng P10K mula sa ‘BTS’

May 24, 2021 Paul M. Gutierrez 545 views

HALOS apat na buwan na pala ngayon mula nang ihain sa Kamara ang 10K Ayuda Bill ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at ng kanyang mga kasamang kogresista sa kanilang grupo na ‘Back to Service’ (BTS).

Ang masaklap, hanggang ngayon pala ay hindi pa rin ito natatalakay ng Kongreso, bagaman tinatalakay na ang bagong panukalang ayuda sa mga Pinoy sa ilalim ng ‘Bayanihan 3.’

At sa naipasang panukalang Bayanihan 3 sa ‘committee level,’ “isang bulig” lang o P1K ang maibibigay sa mga Pinoy.

Gayunman, hindi rin itinigil ni Cayetano at ng BTS ang pamimigay ng P10K ayuda sa ating mga kababayan upang makaahon ang mga ito mula sa krisis na dulot ng pandemya.

At alam ba ninyo, dear readers, na umaabot na pala sa mahigit 500 benipisaryo ang nakatanggap ng P10K ayuda mula kay Cayetano at sa kanyang grupo?

Noon lang Biyernes, Mayo 21, 2021, nakapamigay muli sina Cayetano ng P10K ayuda sa 300 residente ng lalawigan ng Laguna.

Sinaksihan mismo nina Cong. Dan Fernandez, Sol Aragones at mga alkalde ng iba’t ibang bayan ng Laguna ang pamimigay ng P10K ayuda.

Bukod pa ito sa 200 katao na nakatanggap ng P10K ayuda kasabay ng paglulunsad ng Sampung Libong Pag-asa noong nakaraang Mayo 1, Labor Day.

Aabot na din sa 38 na P10K ayuda ang naipamigay nina Cayetano bago pa man ang Mayo Uno.

Ang sabi ng dating House Speaker, hindi dole out ang ginagawa nila dahil hindi ito pantawid gutom lamang ng ating mga kababayan kundi pang-ahon mula sa kanilang sitwasyon ng paghihirap dahil sa COVID-19.

Ano nga naman ang mararating ng P1K ayuda na ibibigay sa bawat Pinoy? Siyempre, mas mainam yung P10K ayuda dahil maaari kang makapag-umpisa ng kabuhayan o maliit na negosyo dahil kahit paano’y meron ka ng maliit na puhunan.

Halimbawa na dito ang isang panadero sa Caloocan City. Dati, P300 lang kada araw ang kanyang kinikita dahil “patingi-tingi” ang kanyang binibiling harina at asukal para sa kanyang pagluluto.

Nang mabigyan ng grupong BTS ng P10K, kaagad syang bumili ng sako-sakong harina at asukal, siyempre pa!

Ngayon, umaabot na sa P1,200 ang kinikita nya bawat araw. O, di ba, nakakatuwang isipin na may mga buhay na bumabangon dahil sa P10K ayuda.

Malaki rin naman ang tama ni Cong. Alan nang sabihin niyang hindi ‘beneficial’ at hindi rin praktikal kung ‘sanlibong piso lang na ayuda ang ibibigay sa bawat Pilipino.

Alangan namang papilahin ang mga 6 anyos na bata at mga 90 anyos na matanda para lang mapakuha ng P1K ayuda? At hindi naman talaga “limos” ang kailangan ngayon ng mga tao. Kailangan nila ng malaki-laking halaga para man lang makapag-umpisa at makapagtinda ng gulay sa mga kapitbahay, magsimula ng isang maliit na sari-sari store at iba pang kabuhayan na kailangan sa kani-kanilang mga komunidad.

Kaya nga nananawagan si Cayetano sa kanyang mga kasamang kongresista na suportahan ang P10K Ayuda Bill para maisunod agad ang iba pang stimulus packages para sa agrikultura, edukasyon, turismo at iba pa.

Maging ang mga residente ay dapat na ding kumilos at “bulabugin” ang kanilang mga kongresista ng mga panawagan para suportahan ang P10K Ayuda Bill upang marami pang pamilyang Pilipino ang makinabang dito.

Asahan na lang din natin na mapukaw ang loob ng iba pang nakakaginhawa sa buhay na magbigay ng kahit na kaunting tulong sa ating mga kababayan.

Wala namang ibang aagapay sa atin sa panahon ng krisis kundi tayo tayo din lang.

Kaya nga rin “Sampung Libong Pag-asa” ang tawag sa programang ito dahil ang mga donasyon para itaguyod ito ay hindi lamang galing sa mga kongresista kundi pati na din mga pribadong indibidwal upang mabigyan ng pag-asa na makaahon ang mga nalugmok ng pandemya.

At heto pa, 300 katao/pamilya ulit ang target tulungan ng BTS ngayong darating na araw ng Biyernes mula sa isang lalawigan na “kapitbahay” lang din ng Metro Manila kaya…

Abangan!

AUTHOR PROFILE