Default Thumbnail

Housing backlogs

May 24, 2021 Allan L. Encarnacion 555 views

MALAKI pa rin ang problema natin sa kawalan ng bahay ng marami nating kababayan. May mga naglalabas ng statistics na aabot sa 6.5 million housing backlogs lang ang bansa sa 2030 na sa tingin natin ay maliit ito kumpara sa reality on ground.

Sa Metro Manila, aabot sa 600,000 housing backlogs pero nasa 3.9 million sa buong bansa. Hindi sana magkakaganito kung napapakinabangan ang maraming housing projects ng gobyerno na karamihan ay nakatiwangwang lang kaya umaatake ang grupo ng agaw-bahay gang!

Sa totoo lang, marami na akong nakitang NHA housing projects na hindi mo iisiping tirahan kung medyo gusto mo ng maayos-ayos na matutuluyan.

Una, sobrang liit para sa 22 hanggang 25 square-meters. Sobrang liit na nga, marami pa ang substandard kung istrakturang totoo ang usapan.

Mas maganda sana kung ang pabahay ay katulad noong mga panahon ni Marcos na nasa 80 sq. m. ang karaniwang sukat tulad ng mga nakita natin sa Bliss Housing. Iyong 22 hanggang 25 sq. m., halos walang magagawa para maayos kang makakilos, lalo na kung minimum ay apat kayong miyembro ng pamilya.

Kaya nga tama ang sinabi ni Presidente Rodrigo Duterte na dapat 60 to 80 sq. m. ang average size ng floor area ng housing para sa mga sundalo at pulis. Kaya maraming housing unit ang bakante dahil sobrang liit nga naman kung 25 sq. m.

Ang susunod na problema sa kawalan ng bahay ng marami nating mga kababayan ay dahil sa mismong sistema ng Pag-ibig Fund housing na wala kang maramdaman kahit katiting na pagmamahal.

Karaniwan, iyong mga housing loan na kinukuha ng ating mga kababayan sa Pag-ibig ay nasa P1.3 million. Ito na iyong average loan. Payable in 25 years kaya kapag ginawa ang computation sa principal payment at interest, aabot sa P4.9 hanggang P5.2 million ang babayaran mo.

Ang monthly payment nito halimbawa ay nasa P13,735. Ang karaniwang suweldo ng ordinary employee na minimum wage earner ay nasa P12,000 lang kada buwan. Ibig sabihin, hindi qualified ang wage earner dito.

Kung dalawa kayong mag-asawa ang working, P24,000 ang combined salary nyo. Lalagay mo nang may allowance pa na P6,000 monthly as additional income, hindi pa rin ito kakayanin kasi ang gross income lang ay P30K. Ibawas mo dyan ang pamasahe, pangkain sa araw-araw, pamalengke pa sa bahay, tubig at ilaw. Kung may isang anak ka pa na ginagatas at diaper, naloko, na, wala nang natira!

Pero ang malungkot, alam nyo ba na karamihan sa mga nangungutang sa Pag-ibig ay wala ring nakakatapos dahil marami sa ating mga manggagawa ay hindi naman stable ang trabaho or walang security of tenure? At ito ang mas malungkot, sa P13,735 na monthly amortization mo sa housing loan, P735 lang ang principal payment doon dahil ang P13,000 ay para sa loan interest.

Kaya nga inaabot ka ng indulto, hindi mo pa natatapos ang housing loan na ang ending ay maeembargo. May mga kakilala tayong naembargo na ang bahay dahil hindi na kayang ituloy ang hulog. Kapag minamalas-malas ka pa, hindi ka na talaga makakahulog dahil sa bawat buwan na palya ng pagbabayad, dagdag sa interest.

Sa tingin natin, dapat magkaroon ng bagong formula sa housing loan para talagang hindi umabot sa panggigipit sa mga nangungutang para sa kanilang bahay.

Maliit ang housing backlog na 6.5 million sa 2030 sa tingin natin dahil ngayon lang mga panahong ito ay higit pa rito ang walang sariling bahay sa ating bayan.

Kung talagang Pag-ibig ang sagot sa pangarap na bahay ng bawat Pilipino, bakit marami sa ating mga kababayan ang binabangungot sa pagbabayad ng kanilang sobrang taas na interest na housing loan?

Sana lang ay magkaroon ng totohananang programang pabahay sa mga mahihirap nating kababayan basta huwag lang isama ang mga professional squatters na binibigyan na ng bahay, pinapaupa pa sa iba para tumira ulit sa bangketa—ang mabigyan ulit ng bagong bahay!

[email protected]