Default Thumbnail

5 human trafficking victims nasagip sa NAIA

October 29, 2023 Jun I. Legaspi 149 views

LIMANG Pinoy na hinihinalang biktima ng human trafficking ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng Immigration Protection and Border Enforcement Section ng BI na naharanng ang mga pasahero sa NAIA Terminal 3 bago sila sumakay ng Cebu Pacific patungong Bangkok, Thailand.

Nagpresinta umano ang mga pasahero ng kahina-hinalang travel authority mula sa ilang ahensya ng gobyerno kung saan sila nagpakilalang mga empleyado.

Pero habang tinatanong ng mga importanteng bagay, inamin ng mga biktima na wala silang trabaho sa pupuntahang bansa at ibinigay lamang ng kanilang handlers ang kanilang mga dokumento.

Ayon sa BI, naisumite na sa Inter-Agency Council Against Trafficking ang pangalan ng mga mabibiktima sana ng human traffickers at iba pang detalye ng kanilang courier para sa imbestigasyon at paghahain ng kaso.

Dalawa sa mga biktima ang umaming nagbigay ng mahigit P30,000 sa kanilang recruiter kapalit ng bogus na trabaho bilang guro sa Thailand.

Muli naming nagbabala sa publiko si Tansingco na mag-ingat sa mga recruiter ng trabaho sa ibayong dagat dahil posibleng silang maging biktima ng crypto scam syndicates.

AUTHOR PROFILE