4 na sangkot sa ilegal na droga, sapul sa ‘Oplan Galugad’
HINDI na nakapalag ang apat na suspek sa ilegal na droga, kabilang ang dalawang babae, nang matiyempuhan sila sa isinasagawang “Oplan Galugad” ng pulisya Biyernes ng madaling araw sa Taguig City.
Hindi akalain ng apat na suspek na pawang mga residente ng Bgy. Maharlika Village na gising at nagpapatrolya pa ang kapulisan sa dis-oras ng hating-gabi kaya wala silang takot na ipangalandakan ang bitbit na ilegal na droga na dahilan ng kanilang pagkakasabat.
Sa ulat na nakarating kay Southern Police District (SPD) Acting Director P/Col. Kirby John Biron Kraft, nagsasagawa ng “Oplan Galugad” ang mga tauhan ng Maharlika Police Sub-Station-7 dakong alas-12:45 ng madaling araw sa Sultan Kudarat St. Bgy. Maharlika Village nang maispatan nila ang apat habang may bitbit na ilegal na droga.
Sa pagtaya ng pulisya, umaabot sa mahigit-kumulang na 12.9 gramo ng shabu na may kabuuang halagang P87,720 ang nakumpiska sa apat matapos silang i-turn over sa mga tauhan ng Taguig Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) upang masampahan ng kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022.
Pinuri naman ni Kraft ang mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 7 sa patuloy nilang pagsasagawa ng operasyon 24/7 laban sa lahat ng mga sangkot sa anumang krimen na patunay lamang na tumatalima ang kapulisan sa direktiba ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo sa kanyang programang S.A.F.E. NCRPO o ang “Seen, Appreciated, Felt, and Extraordinary”.