Default Thumbnail

4 BIFFs sumuko sa Sultan Kudarat

April 29, 2023 Zaida I. Delos Reyes 134 views

APAT pang miyembro ng teroristang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko sa mga awtoridad sa Sultan Kudarat nitong Biyernes, Abril 28.

Sinabi ni Lt. Col. Dennis C. Almorato, spokesperson ng Philippine Army’s (PA) 6th Infantry Division (ID) na ang mga nagbalik-loob sa gobyerno ay iniharap ng 1st Mechanized Infantry Battalion (MIB) sa kanilang commander na si Colonel Andre Santos sa Camp Leono, Kalandagan, Tacurong City.

Kasamang isinuko ng mga dating rebelde ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng dalawang Garand rifle, isang M14 rifle, isang 7.62mm sniper rifle, isang anti-personnel mine at isang rifle grenade.

“Inamin ng apat na labis ang kanilang pagkabagabag at pag-aalala mula ng napasanib sa teroristang grupo kaya nahirapan silang humarap sa mga tao sa takot na sila ay maisuplong sa kinauukulan. Kaya napagdesisyunan nila na magbalik-loob na para sa kinabukasan ng kanilang pamilya,” pahayag ni Santos.

Ikinatuwa naman ni Major General Alex Rillera, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division (ID) at Joint Task Force Central (JTFC) ang ipinakitang senseridad ng apat na indibidwal sa pagnanais na maging matiwasay ang pagsasama nila ng kanilang pamilya.

“Sa pakikipagtulungan din ng local government unit (LGU) at BARMM Government ay mabibigyan kayo ng paunang tulong para na rin sa inyong pamilya,” pahayag ni Rillera.

Pinuri naman ng 6ID at JTF Central commander ang 1Mech Bn at 1Mech Bde dahil nabawasan na naman ang taong may armas na puwedeng gamitin sa karahasan.

“Malaking bagay din ito para sa 6ID at JTFC dahil nabawasan natin ang mga kagamitan na puwedeng gamitin sa pagsira ng kapayapaan sa komunidad,” dagdag pa ng opisyal.