Default Thumbnail

2 opisyal ng NPA, tiklo sa Mindoro

April 29, 2023 Zaida I. Delos Reyes 197 views

ARESTADO ang dalawang opisyal ng New Peoples’s Army (NPA) sa isinagawang operasyon ng militar nitong Miyerkules sa Mansalay, Oriental, Mindoro.

Kinilala ni Lt. Col. Hector A. Estolas, hepe ng Public Affairs Office (PAO) ng Philippine Army’s (PA) 2nd Infantry Division (ID) ang mga naaresto na sina “Ka Aryo,” ang umano’y second deputy secretary ng KLG MAV ng Southern Tagalog Regional Party Committee’s Sub-Regional Military Area 4D.

Kabilang rin si alias “Luoise,” na siyang sinasabing supply officer ng KLG MAV’s Platun Serna at dating liaison ng Southern Tagalog Regional Party Committee’s Regional Staff ng rebeldeng grupo.

Batay sa ulat ng 2nd ID, ang mga opisyal ay naaresto sa isinagawang combat operation ng mga tauhan ng 4th Infantry Battalion (IB) sa Sitio Haguines, Barangay Wasig sa nasabing bayan.

Nakuha mula sa mga ito ang mga gamit pandigma na kinabibilangan ng isang UZI sub-machine gun, isang M1 Carbine rifle, mga bala, isang improvised hand grenade, dalawang blasting caps, walong cellphone, isang mobile tablet, dalawang power banks, anim na cellphone chargers, memory cards, pitong USB flash drives, apat na SIM cards, medical supplies, mga subersibong dokumento, at mga personal na kagamitan.

Sila ay dinala sa kustodiya ng 4th IB para sa custodial debriefing at medical examination.

Matatandaang nitong Abril 25, itinuturo ang mga rebeldeng NPA na siyang pumatay sa isang sundalo na nakatalaga sa 4th IB habang dinukot umano noong Enero 26 at Pebrero 10 ang dalawang CAA sa Mindoro. Isang CAA rin ang pinatay umano ng mga rebelde sa kanyang bahay nito lamang Abril 3.